RECYCLED FACE MASK IPINAGBIBILI, PUBLIKO PINAG-IINGAT NG DOH

facemask

PINAYUHAN  ng Department of Health (DOH) ang publiko na maging maingat sa pagbili ng mga face mask at tiyaking sa mga awtorisadong botika at medical supplies stores lamang bibili ng mga ito.

Ito’y kasunod na rin ng mga ulat na posibleng nire-recycle ang mga disposable face masks at muling ipinagbibili sa merkado.

Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na may natanggap na silang ganitong impormasyon ngunit wala pa silang nakukuhang kumpirmasyon hinggil dito.

Gayunman, payo ni Vergeire, mas makabubuti nang maging maingat at bumili na lamang ng mga face mask sa mga botika at medical supplies stores.

Ayon kay Vergeire, simula’t sapul naman ay may guidelines na silang ipinatutupad hinggil sa tamang pagtatapon o safety disposal ng mga personal protective equipments (PPEs) gaya ng disposable face masks, na dapat lagay sa hiwalay na plastic bag.

“We have received this kind of information yesterday and pinag-uusapan nga namin pero gusto lang namin iparating sa ating mga kababayan na simula’t sapul meron po tayong guidelines na pinalabas… regarding the safety disposal of PPEs including the masks so kailangan lang po especially sa household na ilagay lang po natin sa separate na plastic bag ito pong mga masks na ito,” dagdag pa ni Vergeire.

Pinaboran din ni Vergeire ang pagsira o paggupit muna sa mga face masks bago itapon upang hindi na maipagbili pang muli, ngunit dapat aniyang tiyaking lilinising mabuti at idi-disinfect ang gunting na gagamitin at maghuhugas na mabuti ng kamay pagkatapos itong gawin.

“At the same thing when you cut it, gumamit ka ng gunting sa masks na yan, linisan mo yung gunting mo, disinfect mo siya at maghugas ka nang maigi ng kamay,” aniya pa.

“It’s something that can prevent those people who are recycling and reselling.  Para po hindi na nila ito maibebenta muli,” ayon pa kay Vergeire. ANA ROSARIO  HERNANDEZ

Comments are closed.