RED ALERT STATUS SA HEALTH AUTHORITIES AT BARANGAY LEVEL SA PARAÑAQUE CITY

Edwin Olivarez

NAGDEKLARA si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ng red alert status magmula sa mga health personnel hanggang sa lebel ng mga barangay dahil sa pagkalat ng 2019 novel coronavirus (nCoV).

Sinabi ni Parañaque City Administrator Atty. Fernando ‘Ding’ Soriano, paiigtingin ng siyudad ang ‘pro-active effort’ upang mapaglabanan ang nakamamatay na sakit na nCoV.

Ayon kay Soriano, nakipagpulong siya sa City Health Office mula pa noong nakaraang linggo upang maiprepara ang pag-iimplementa ng standard protocol ng Department Of Health (DOH) laban sa mga sakit makaraang maglabas ng statement ang naturang ahensiya nang magpositibo ang isang babaeng Chinese sa sakti na nCov noong nakaraang Huwebes.

Inalam na rin ng lokal na gobyerno ang mga lugar kung saan maraming nakatirang mga Chinese nationals sa lungsod at nakikipag-coordinate na rin sila sa POGO operators sa pagdi-disseminate upang ma-prevent at ma-detect ang naturang nakamamatay na virus.

Dagdag pa ni Soria­no, mamimigay rin ang lokal na pamahalaan ng mga face mask sa kanilang mga konstituwente sa susunod na linggo bilang isang ‘preventive approach.’

Matatandaan na makaraang pumutok ang Bulkang Taal, agad na nagpalabas ng direktiba si Olivarez sa lahat ng mga retailers at dealers ng face masks sa pamamagitan ng city price coordinating council na huwag samantalahin ang sitwasyon at panatilihin ang presyo ng face mask. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.