ISANG mobile vaccination drive ang inilunsad sa Quezon City District 5 ng konsehal at congressional candidate na si Patrick Michael “PM” Vargas sa kanyang kaarawan noong Huwebes sa ilalim ng proyektong ‘Bakuna Bus’ ng Philippine Red Cross (PRC).
Layunin ni Vargas na makaabot ang serbisyong ito sa mga lugar kung saan marami pa ang mga hindi nababakunahan.
Ito ay bunsod ng maigting na suporta na ibinibigay ng Philippine Red Cross chairman at Chief Executive Officer (CEO) Senator Richard Gordon kay Councilor PM Vargas na siya namang Red Cross QC Novaliches Branch Council chairman.
Isa ang programang medikal sa mga tinutukan ni Vargas sa kanyang plataporma. Kasama rito ang pamimigay ng vitamins at anti-Covid kits sa iba’t ibang barangay sa District 5.
Ngayong Biyernes mismo ay naglunsad si Vargas ng bloodletting activity na isa ring proyekto sa ilalim ng PRC.
Hindi ito ang unang beses na naglunsad ng programang medikal si Vargas sa tulong ni Sen. Gordon.
Noong nakaraang taon, namahagi si Vargas ng food packs mula sa Red Cross Food Truck sa Brgy. San Agustin sa Quezon City sa pakikipagtulungan ng PRC at Red Cross Novaliches para matugunan ang agarang pangangailangan ng mga tao, lalong lalo na ang persons with disability (PWD) community sa barangay.
Kaugnay ito ng programang Red Cross Covid Emergency Response kung saan nagtalaga ang kampo ni Vargas ng Covid emergency tents at handwashing stations sa Novaliches District Hospital.
Nagsagawa rin sila ng medical mission sa Novaliches na naglalayong magbigay ng libreng serbisyo gaya ng konsultasyon sa doktor, ECG, X-ray, pagbibigay ng gamot.
Hindi rin nawawala ang bloodletting activity na pinaka-kilalang programa ng PRC.
Isa sa pinakamalaking proyekto ni Vargas sa ilalim ng PRC ang Red Cross Multipurpose Cash Grant kung saan daan-daang pamilya ng District 5 ang nabahagian ng ayuda.
Lubos naman ang pasasalamat ni Vargas kay Gordon dahil sa walang sawa nitong paggabay.