LAGUNA- TINATAYANG aabot sa 1 libong indibiduwal ang nahatiran ng tulong ng Philippine Red Cross (PRC) sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Aghon.
Batay sa ulat ng PRC, tinatayang 900 indibiduwal ang binigyan ng hotmeals sa Brgy. Dos sa Lungsod ng Calamba.
Kasunod nito, nasa 165 na indibiduwal ang binigyan ng tulong sa Brgy. Bungkol habang 114 naman ang mula sa Brgy. Sabang na kapwa na sa bayan ng Magdalena sa nasabing lalawigan.
52 indibiduwal naman ang nabigyan ng tulong sa M. Lanuza Elementary School sa Brgy. Buboy sa bayan ng Pagsanjan.
Habang nasa 52 indibiduwal din ang nahatiran ng tulong sa Calumpang Elementary School sa bayan naman ng Liliw.
Kasalukuyan na ring minomobilisa ang food trucks ng PRC para mamahagi ng hotmeals sa mga apektado ng bagyo.
Samantala, nakatakda namang bumisita sa bansa ang Pangulo ng International Federation of the Red Cross and Red Crescent Societies (IFRC) na si Kate Forbes ngayong araw hanggang Hunyo 1.
Tatalakayin ni PRC Chairman Richard Gordon kay Forbes ang kahalagahan ng pagiging handa sa mga sakuna gayundin ang kagyat na pagbangon mula rito. P ANTOLIN