RED CROSS NAGPAALALA SA MGA BAKASYUNISTA SA UNDAS

SEN-RICHARD-GORDON

NAGPALABAS  kahapon ang Philippine Red Cross (PRC) ng mga safety reminder sa mga mamamayang bibiyahe at magsisiuwian sa kani-kanilang lalawigan ngayong Undas.

Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, dapat na ugaliin ng mga motorista ang pagsusuot ng seatbelt o ‘di kaya ay helmet sa pag-mamaneho at tiyaking tama lamang ang bilis ng pagpapatakbo ng behikulo at distansiya sa ibang sasakyan.

Hindi rin umano dapat na magmaneho kung nakainom o nasa impluwensiya ng alkohol at iwasan ang paggamit ng mobile phone habang nagda-drive.

Dapat din  alamin at respetuhin ang highway code at tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan bago bumiyahe upang makaiwas sa disgrasya sa kalsada.

Mas makabubuti  na sa pagbiyahe ay t tandaan ng mga motorista ang acronyms na “BLOW BAGETS”  na nangangahulugan ng ‘Breaks, Lights, Oil, Water, Batteries, Air, Gas, Engine, Tires, Self.’

Paalala naman ng PRC sa mga pedestrian at mga siklista, maging ‘visible’ sa kalsada upang kaagad na makita ng mga motorista.

Dapat din na  alam ng bawat isa ang gagawin sakaling magkaroon ng aksidente upang maiwasan ang pagkataranta.

Payo pa ng PRC, magsuot ng maluwag at gawa sa cotton na t-shirt sa pagbiyahe at tiya­king dala ang lahat ng gamit, maging gamot o maintenance medicine kung sumasailalim sa medikasyon.

Mas makabubuti rin umano kung hindi na isasama sa sementeryo ang mga maliliit na bata, o kung hindi naman maiiwasang isama sila, ay lagyan na lamang ang mga ito ng maliit na papel sa kanilang bulsa, kung saan nakasulat ang kanilang mga pangalan at detalye ng mga taong ­maaaring kontakin sakaling maligaw sila sa loob ng sementeryo.

Pinaiiwas  ng PRC ang publiko sa pagbabaon ng pagkain na madaling masira upang makaiwas sa food poisoning at tiyaking may baon na maraming tubig, pamaypay, tuwalya, sumbrero o payong, upang makaiwas naman sa dehydration.

Samantala, tiniyak ng PRC na handang-handa na sila sa pagkakaloob ng tulong para sa paggunita ng Undas.

Ayon kay Gordon, magpapakalat sila ng may 156 ambulansiya at mahigit 1, 700 staff at volunteers sa buong bansa upang magkaloob ng tulong, kung sakaling kailanganin ito.

Nabatid na ang 39 sa mga naturang ambulansiya ay roving habang ang 117 pa ay nakaantabay naman sa mga istratehikong lugar habang may mga foot patrollers rin silang nakaposisyon sa mga lugar na mahirap puntahan, gaya ng mga ‘cemetery alleys.’

Nakatakda rin  silang magtayo ng 168 first aid stations at 120 welfare desks sa may 147 sementeryo at memorial parks, gayundin sa mga pangunahing highways, kabilang ang North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX), Tarlac – Pangasinan La Union Expressway (TPLEX), Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX), mga paliparan, daungan, mga terminal ng bus at maging sa mga beach.

“As always, PRC is in full operation to accommodate everyone, especially our kababa­yans who will be going home to their respective provinces to visit their departed loved-ones. We want to ensure their safety,” ani Gordon.

Ani Gordon, sakaling magkaroon ng emergency at anumang hindi kanais-nais na kaganapan, sinabi ng PRC na maaaring kontakin ang kanilang 24/7 Operations Center, sa pamamagitan nang pag-dial ng numerong 143 o 8790-23-00. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.