RED CUBS O GREENIES?

Laro ngayon:
(San Andres Sports Complex)
2:30 p.m. – LSGH vs San Beda

MAGSASALPUKAN ang San Beda at CSB-La Salle Green Hills sa huling pagkakataon para sa isang puwesto sa best-of-three championship sa NCAA juniors basketball tournament ngayon sa San Andres Sports Complex.

Ang magwawagi sa 2:30 p.m. match ay makakaharap ang top-ranked Letran sa Finals sa Lunes.

Naihatid ng third-ranked Greenies ang Final Four showdown sa Red Cubs sa decider kasunod ng 92-79 panalo noong Lunes.

Batid ni LSGH coach Ren-Ren Ritualo na masasayang ang kanilang pagsisikap kapag hindi nila nakumpleto ang panalo. “They never quit. I’m very proud of them. But I keep on telling them it’s not yet over,” sabi ni Ritualo.

Makikipagtuwang si Seven Gagate, na-outscore ang buong Red Cubs, 15-10, sa krusyal na third quarter, kay Luis Pablo sa gitna sa pagtatangka ng Greenies sa kanilang unang Finals appearance magmula noong 2018.

Umaasa sina Chris Hubilla at John Lopez, nagtala ng pinagsamang 60 points sa pagkatalo, na makakakuha ng kinakailangang suporta para sa No. 2 San Beda para maipagpatuloy ang kanilang title-retention campaign.