Muling itinakda sa susunod na linggo ang ‘red hat ceremony’ o ang paggagawad ng “insignia” at red hat kay Archdiocese of Manila Archbishop-elect Cardinal Jose Advincula, matapos na dalawang ulit na maipagpaliban dahil sa mga kadahilanang may kinalaman sa COVID-19 pandemic sa bansa.
Mismong si Advincula naman ang nagkumpirma na itinakda nang muli sa Hunyo 18, 2021 ang paggawad ng ‘insignia’ sa kanya.
Ayon kay Advincula, isasagawa ito ganap na 3:30 ng hapon sa Immaculate Conception Metropolitan Cathedral sa Roxas City.
Sinabi ni Advincula na ang napagkasunduang araw batay na rin sa konsultasyon ng mga eksperto at bago magtungo sa Manila ang arsobispo.
Matatandaang unang itinakda noong Mayo 28 ang ‘bestowal of red hat’ ng Cardinal ngunit ipinagpaliban ito dahil kinakailangang sumailalim sa 14-day mandatory quarantine si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown makaraang dumating sa bansa mula New York City.
Si Brown ang magkakaloob ng red hat at cardinal’s ring kay Advincula.
Itinakda itong muli noong Hunyo 8 subalit muli ring ipinagpaliban, batay na rin sa rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan at kaligtasang pangkalusugan ng mga dadalo, dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa Capiz.
Umaasa naman si Advincula na matutuloy na ang aktibidad sa susunod na linggo.
“Sana matuloy na ang bestowal ng insignia; increasing pa rin kasi ang number ng new COVID-19 cases sa Capiz,” ayon pa kay Advincula, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Samantala, nakatakda naman sa Hunyo 24, 2021 ang pagtatalaga kay Cardinal Advincula bilang ika – 33 arsobispo ng Archdiocese of Manila.
Isasagawa ang aktibidad sa Manila Cathedral na inaasahang dadaluhan ng piling panauhin bilang pagsunod sa safety health protocol. Ana Rosario Hernandez