NAGBUHOS si Donovan Mitchell ng 37 points at nag-ambag si Darius Garland ng 29 at ang host Cleveland ay naging ika-6 na koponan sa kasaysayan ng NBA na sinimulan ang season na may 14 sunod na panalo makaraang pataubin ang Chicago, 144-126
Kumalawit din si Mitchell ng 7 boards para sa panalo ng Cavaliers. Tumapos si Jarrett Allen na may 24 points at 10 rebounds at umiskor si reserve Caris LeVert ng 22.
Tumabo si Coby White ng team-high 29 points para sa Bulls, na nagsalpak ng 20 sa 42 3-pointers. Nagdagdag si Nikola Vucevic ng 25 points at 8 rebounds, at nagtala si Patrick Williams ng 17 points at 9 assists.
Lakers 120, Spurs 115
Kumamada si Anthony Davis ng 40 points at 12 rebounds at naitala ni LeBron James ang huling apat na puntos ng Los Angeles at naitala ang kanyang ika-4 na sunod na triple-double nang gapiin ng bisitang Lakers ang San Antonio sa isang NBA Cup game.
Tumapos si James na may 15 points, 16 rebounds at 12 assists at naiposte ng Lakers ang ika-4 na sunod na panalo. Nagdagdag si Austin Reaves ng 19 points.
Nanguna si Victor Wembanyama para sa Spurs na may 28 points at 14 rebounds. Nagdagdag si Stephon Castle ng 22 points, at nag-ambag si Chris Paul ng 11 points at 11 assists.
Knicks 124, Nets 122
Isinalpak ni Jalen Brunson ang game-winning 3-pointer, may 6.2 segundo ang nalalabi, para sa host New York, na nasayang ang lahat ng 21-point lead bago naungusan ang Brooklyn sa NBA Cup action.
Isang 3-pointer ni Dennis Schroder, may 12 segundo ang nalalabi, ang nagbigay sa Nets ng kanilang unang kalamangan magmula sa first quarter.
Naiposte ni Cam Thomas ang 12 sa kanyang 43 points sa fourth quarter para sa Nets, na na-outscore ang Knicks, 40-24, sa huling 12 minuto bago natalo sa kanilang Group A opener. Umangat ang Knicks sa 2-0 sa NBA Cup.
Warriors 123, Grizzlies 118
Kumabig si Buddy Hield ng team-high 18 points at siyam na teammates ang umiskor ng hindi bababa sa tig-8 points nang dispatsahin ng Golden State ang Memphis sa isang NBA Cup game sa San Francisco.
Nag-ambag si Moses Moody ng c 14 points habang tumipa sina Draymond Green, Andrew Wiggins at Stephen Curry ng tig-13 para sa Golden State, na umangat sa 2-0 sa NBA Cup. Si Grizzlies’ Jaren Jackson Jr. ang leading scorer sa laro na may 32 points.
Abante ang Golden State sa 74-67, may limang minuto ang nalalabi sa third quarter, subalit nagsalpak sina Curry, Brandin Podziemski at Hield ng 3-pointers sa 19-11 period-ending burst na binuksan ang 15-point advantage.
Timberwolves 130, Kings 126
Naiposte ni Anthony Edwards ang pito sa kanyang 36 points sa overtime at nalusutan ng bisitang Minnesota Timberwolves ang 60-point performance ni De’Aaron Fox upang igupo ang Sacramento Kings sa isang NBA Cup game.
Bumuslo si Fox ng 22-for-35 mula sa field at 6-for-10 mula sa 3-point range para sa Sacramento, na humabol mula sa 20-point deficit sa third quarter upang ipuwersa ang overtime.
Ang 60 points ni Fox ay isang franchise record, nahigitan ang 59 points ni Jack Twyman para sa Cincinnati Royals noong Jan. 15, 1960. Si Fox ay ika-13 player sa kasaysayan ng NBA na umiskor ng hindi bababa sa 60 points sa pagkatalo.
Sa iba pang laro, kinalawit ng Hawks ang Wizards. 129-117, ginapi ng Magic ang 76ers, 98-86; binomba ng Rockets ang Clippers, 125- 104, pinalubog ng Thunder ang Suns, 99-83; at pinapak ng Pelicans ang Nuggets, 101-94.