RED-HOT CELTICS PINULBOS ANG KNICKS

NAGBUHOS si Jaylen Brown ng  30 points at 8 rebounds upang tulungan ang bisitang  Boston Celtics na mahila ang kanilang winning streak sa walong laro sa pagdispatsa sa New York Knicks, 116-102, noong Sabado ng gabi.

Naipasok ng Boston ang 15 sa kanilang 35 3-point attempts at bumuslo ng 56.8 percent mula sa field.

Umiskor si Jalen Brunson ng game-high 34 points at nagbigay ng 9 assists para sa Knicks, na nahulog sa 0-4 laban sa Celtics ngayong season. Nagdagdag si Josh Hart ng 16 points, 8 rebounds at 6 assists para sa New York, at tumapos si Precious Achiuwa na may 8 points at team-high 9 rebounds.

Lamang ang Celtics ng 4 points sa halftime at na-outscore ang Knicks, 35-26, sa third. Nabigo ang New York na maibaba ang deficit sa below 9 points sa final quarter.

Nakakuha ang Celtics ng 22 points mula kay Kristaps Porzingis at 19 points, 6 rebounds at 6 assists mula kay Jayson Tatum. Anim na Boston players ang umiskor ng hindi bababa sa 10 points, at may 58-38 edge ang Celtics sa points sa paint.

Timberwolves 101, Nets 86

Tumabo si Anthony Edwards ng  29 points at kumalawit ng 8 rebounds upang pangunahan ang Minnesota Timberwolves sa panalo laban sa Brooklyn Nets.

Nagdagdag si Karl-Anthony Towns ng 28 points at 9 rebounds para sa Timberwolves, na bumawi mula sa pagkatalo sa Milwaukee Bucks. Tumapos si Mike Conley na may 14 points.

Nagtala si Cam Thomas ng 18 points upang pangunahan ang Brooklyn, na nalasap ang ika-4 sunod na kabiguan, Tumapos si Mikal Bridges na may 15 points, 8 assists at 6 rebounds, at nag-ambag si Nic Claxton ng 12 points at 7 rebounds.

Na-ouscore ng Minnesota ang Brooklyn, 31-20, sa fourth quarter na nakatulong para selyuhan ang panalo.

Naghabol ang Brooklyn sa 80-78, may 6:35 sa orasan. Naglaho ang tsansa ng Nets nang bumanat ang  Timberwolves ng 9-0 run upang makalayo sa 89-78, may 4:21 ang nalalabi.

Kumana si Jaden McDaniels ng 3-pointer at ipinasok ni Edwards ang long two-point jump shot sa run. Nagdagdag si Towns ng dalawang  free throws at gumawa si Kyle Anderson ng isang layup.

Abante ang Timberwolves sa 70-66 sa pagtatapos ng third quarter.

Magic 112, Pistons 109

Bumanat si Paolo Banchero ng three-point play, may isang segundo ang nalalabi upang tulungan ang bisitang Orlando Magic sa panalo kontra  Detroit Pistons.

Ipinasok ni Banchero ang isang baseline jumper habang na-foul ni Jalen Duren. Tumalbog sa rim ang isang A 73-foot heave ni Cade Cunningham habang paubos ang oras.

Walong players ng Magic, na nanalo ng walo sa kanilang huling 10 games, ang nagtala ng double figures. Nanguna si Banchero na may 15 points, habang nag-ambag sina Franz Wagner, Jalen Suggs at Moritz Wagner ng tig-14. Nagdagdag si Cole Anthony ng 13 points at 7  assists. Nagposte si Wendell Carter ng 11 points at 10 rebounds, at kumalawit si Moritz Wagner ng 7 boards.

Nanguna si Cunningham para sa  Pistons, na natalo ng limang sunod, na may 26 points. Nagdagdag si Simone Fontecchio ng 17 points, habang nakakolekta si Duren ng 16 points at 11 rebounds.

Tinapos ng Magic ang  first half sa 21-11 run upang kunin ang 65-55 kalamangan.