RED-HOT GRIZZLIES AYAW PAAWAT

KINUHA ni Steven Adams ang unang game-winning basket sa kanyang career habang rumolyo ang Memphis Grizzlies sa franchise record-equalling 11th straight victory sa 115-114 panalo kontra Cleveland Cavaliers nitong Miyerkoles.

Na-tip in ni New Zealand international Adams ang bola matapos ang tangkang layup ni Ja Morant, wala nang 17 segundo ang nalalabi sa kapana-panabik na laro sa FedEx Forum sa Memphis.

Pagkatapos ay gumawa si Memphis small forward Dillon Brooks ng krusyal na block para pigilan ang pagtatangka ni Cavs point guard Darius Garland sa buzzer-beating three-pointer

“We’re always up for the physicality, we’re ready to play,” wika ni Brooks matapos ang laro.

“We’ve got a bunch of dogs over here who are ready to play every single night. We’ve got to keep playing with physicality, keep playing with heart and effort, and keep playing together.”

Napantayan ng 11th straight victory ng Memphis ang pinakamahabang win streak ng koponan na naitala noong nakaraang season at naglagay sa kanila katabla ng Denver Nuggets sa ibabaw ng Western Conference na may 31 panalo at 13 talo.

Nanguna si Desmond Bane sa scoring ng Grizzlies na may 25 points habang nagdagdag si Morant ng 24 na may 8 assists. Nagposte si Jaren Jackson Jr. ng 15 points at tumapos si Adams na may 13-point, 10-rebound double-double.

Hawks 130, Mavs 122

Umiskor si Dejounte Murray ng 30 points upang tulungan ang Atlanta Hawks na maitakas ang impresibong 130-122 panalo sa road kontra Dallas Mavericks.

Napantayan ni Dallas star Luka Doncic ang 30-point tally ni Murray subalit hindi napigilan ng Mavs ang balanced offensive display ng Atlanta kung saan walo sa kanilang siyam na players ang tumapos sa double figures.

Kumubra si John Collins ng 19 points habang nagdagdag si Trae Young ng 18 points at 12 para sa Atlanta.

“We’re playing for 48 minutes now and not just for 24 or 30 or whatever,” sabi ni Murray matapos ang ika-4 na sunod na panalo ng Atlanta.

“We came here with the mindset that we wanted to keep going and get another win,” dagdag ni Murray.

Heat 124, Pelicans 98

Sa New Orleans, nagbuhos si Bam Adebayo ng 26 points upang pangunahan ang Miami Heat sa panalo laban sa Pelicans.

Nag-ambag si Jimmy Butler ng 18 points habang nagdagdag si Tyler Herro ng 14 para sa Miami na umangat sa 25-21 para manatili sa Eastern Conference playoff hunt.