RED-HOT RAPTORS

RAPTORS

TUMIRADA si Kyle Lowry ng game-high 26 points para sa Toronto Raptors na inapula ang mainit na paghahabol ng host New York Knicks sa fourth quarter para maitakas ang 118-112 panalo noong Biyernes ng gabi.

Tumipa si Pascal Siakam ng 23 points at nakipagtuwang kay Lowry sa pagkamada ng huling 12 points –7 para kay Siakam at 5 kay  Lowry – para sa Raptors, na nanalo ng anim na sunod.

Umiskor sina Fred VanVleet at Norman Powell ng tig-16 points habang nagdagdag si Serge Ibaka mula sa bench para sa Toronto.

Nagtala sina Marcus Morris Sr. (21 points, 10 rebounds), Julius Randle (20 points, 11 rebounds) at Elfrid Payton (13 points, 11 assists) ng double-doubles para sa Knicks, na umabante ng hanggang 13 points sa first quarter at binura ang 12-point fourth quarter deficit subalit hindi nakuha ang kalamangan.

Tumabo si Damyean Dotson ng  21 points mula sa bench habang gumawa si  Reggie Bullock ng 11 points para sa Knicks na nalasap ang ika-5 kabiguan sa anim na laro.

GRIZZLIES 125, PISTONS 112

Nagbuhos si Jaren Jackson Jr.ng 29 points at nagdagdag si Dillon Brooks  ng  27 upang pangunahan ang bisitang Memphis Grizzlies sa panalo laban sa kulang sa taong Detroit Pistons.

Nag-ambag si rookie Ja Morant ng 16 points at 12 assists, tumipa si Brandon Clarke ng 15 points at kumalawit ng 11 rebounds mula sa bench at kumabig si De’Anthony Melton ng 14 points at nagbigay ng limang assists para sa  Memphis.

Nanguna si Derrick Rose para sa Detroit na may 22 points at 8 assists. Nag-ambag si Christian Wood ng 20 points at 6 rebounds mula sa bench, habang umiskor sina Reggie Jackson, Svi Mykhailiuk at Langston Galloway ng tig-14 points. Nagdagdag si Thon Maker ng 11 points at 8 rebounds.

Hindi naglaro para sa Detroit sina center Andre Drummond at starting wings Bruce Brown and Tony Snell.

CELTICS 109, MAGIC 98

Kumamada si Kemba Walker ng 37 points at nagdagdag si Gordon Hayward ng 22 upang pangunahan ang kulang sa taong Boston Celtics na pataubin ang host Orlando noong Biyernes ng gabi.

Kumalawit din si Hayward ng 14 rebounds, at nag-ambag si Daniel Theis ng 16 points para sa Celtics na nanalo ng tatlong sunod.

Naglaro ang Boston na wala ang dalawa sa kanilang tatlong top scorers sa katauhan nina Jayson Tatum (right groin strain) at Jaylen Brown (right ankle sprain), at hindi rin sumalang si key reserve Enes Kanter dahil sa right hip contusion.

Tumabo si Evan Fournier ng team-high 30 points, nagdagdag si Nikola Vucevic ng 17 at 12 rebounds at gumawa si Aaron Gordon ng 12 para sa Magic, na natalo sa ika-4 na pagkakataon sa nakalipas na lima.

BUCKS 116,

HORNETS 103

Ipinakita nina Giannis Antetokounmpo, Kyle Korver at Khris Middleton sa international fans ang tatlong iba’t ibang paraan sa pag-iskor ng three points sa fourth-quarter flurry, upang tulungan ang Milwaukee Bucks na mamayani sa Charlotte Hornets sa first regular-season game ng NBA sa Paris noong Biyernes ng gabi.

Nagpasiklab si Antetokounmpo sa kinamadang 30 points, 16 rebounds at 6  assists para pangunahan ang Bucks sa kanilang ika-8 sunod na panalo habang ipinalasap sa Hornets ang ika-8 sunod na kabiguan.

Comments are closed.