RED LIONS HUMIRIT NG DO-OR-DIE GAME 3

Laro sa Linggo:
(Smart Araneta Coliseum)

2 p.m. – Mapua vs San Beda (Finals, Game 3)

SA WAKAS ay nakaisa rin ang San Beda laban sa Mapua, 71-65, upang ihatid ang kanilang  NCAA men’s basketball Finals sa decider kahapon sa Mall of Asia Arena.

Sumandal ang Red Lions kay Jacob Cortez upang itabla ang kanilang best-of-three championship series sa 1-1.

Ito ang unang panalo ng San Beda kontra  Mapua sa apat na paghaharap ngayong season. Magtutuos ang dalawang NCAA powerhouses sa huling pagkakataon sa Linggo, alas-2 ng hapon, sa Smart Araneta Coliseum.

Nakahinga na nang maluwag si coach Yuri Escueta makaraang malaman sa wakad kung paano tatalunin ang Cardinals, na nanguna sa elimination round.

“Very special. If there’s one thing that we now know, our players now believe in, is that we can beat them. But it won’t be easy. Knowing coach Randy (Alcantara), of course they’ll prepare, magaadjust sila so we have to be ready for that also, but this is a big win for us against Mapua,” sabi ni  Escueta.

Naitala ni Cortez ang 11 sa kanyang 21 points sa first half kung saan naitarak ng San Beda ang 42-30 lead sa break.

Gayunman ay na-outscore ng Cardinals ang Red Lions, 23-6, sa third quarter upang makabalik sa laro sa huling minuto.

Nakataya ang season, nagpamalas ang lSan Beda ng matinding katatagan sa fourth quarter upang biguin ang Mapua.

Dati nang nalagay ang Red Lions sa ganitong sitwasyon kung saan tinalo nito ang  second-ranked Pirates ng dalawang beses sa Final Four upang umabante sa Finals.

“One more week of course. Game 3 it’s the same intensity ang what we want to bring sa Game 3. It’s a do or die game, same din sa ginawa namin today. Sabi ko todo na ito. We’ve been in this situation before, not just one time, but five, six times nangyari sa amin ito. The only thing that we did is we told ourselves to stay together. Huwag sumuko, laban lang hanggang dulo whatever the result is,” sabi ni Escueta.

Nanguna si newly-minted season MVP Clint Escamis para sa Mapua na may 15 points, subalit nahirapan sa 4-of-21 shooting mula sa field. Nagtala lamang si  Paolo Hernandez, isa sa  main offensive weapons ng Cardinals, ng 3-of-17 shooting at tumapos na may 13 points.

Nabigo ang Mapua na tapusin ang serye sa kabila na na-outrebound ang San Beda, 62-49.

Samantala, kinuha ng last season’s runner-up College of Saint Benilde ang ikatlong puwesto sa 93-83 panalo laban sa over Lyceum of the Philippines University.

Iskor:

San Beda (71) – Cortez 21, Puno 9, Andrada 9, Jopia 8, Alfaro 7, Royo 6, Cuntapay 5, Payosing 4, Tagle 2, Gonzales 0, Visser 0.

Mapua (65) – Escamis 15, Recto 14, Hernandez 13, Soriano 10, Cuenco 5, Rosillo 5, Bonifacio 3, Asuncion 0, Dalisay 0, Bancale 0.

QS: 20-19, 42-30, 48-53, 71-65.