RED ROBINS DINISKARIL NG JUNIOR PIRATES

Mga laro sa Lunes:
(EAC Gym)
7:30 a.m. – Mapua vs Arellano
9:30 a.m. – JRU vs Letran
11:30 a.m. – EAC vs LSGH
2:30 p.m. – SSC-R vs LPU
4:30 p.m. – Perpetual vs San Beda

NAITALA ni Matthew Rubico ang unang triple-double ngayong season na may 15 points, 14 rebounds at 10 assists nang ipalasap ng Lyceum of the Philippines University sa Mapua ang unang kabiguan nito sa NCAA juniors basketball tournament sa 80-76 panalo sa EAC Gym kahapon.

Ipinasok ang isa lamang sa unang 17 attempts, isinalpak ni Rubico ang pinakamalaking basket sa laro, isang pull up jumper na nagbigay sa Junior Pirates ng 68-65 advantage, may 47.2 segundo ang nalalabi sa nationally televised game.

Ang pagkatalo ay tumapos sa four-game winning run ng Red Robins.

Nauna rito ay naiposte ni Seven Gagate ang 16 sa kanyang 22 points sa second half at binura ng CSB-La Salle Green Hills ang 19-point second half deficit upang pataubin ang defending champion San Beda, 87-84, at hilahin ang kanilang winning streak sa tatlong laro.

Nagsalansan din si Gagate ng 14 rebounds, 5 assists at 3 blocks habang nagposte sina Christian Mesias (16 points, 11 boards) at Rod Alian (10 points, 10 boards) ng double-double outputs para sa LSGH.

Umiskor sina James Ison at Gian Gomez ng 13 at 10 points, ayon sa pagkakasunod, habang nag-ambag si Santi Romero ng 9 points, 5 boards, 4 steals at 3 assists para sa Greenies.

Nanguna si Andrei Dungo para sa Red Cubs na may 16 points, 10 rebounds, 6 assists at 2 steals habang nagdagdag si Hubilla ng 14 points at 15 rebounds.

Sa iba pang laro, ginapi ng University of Perpetual Help System Dalta at San Sebastian ang magkahiwalay na katunggali para makatabla ang LPU at LSGH sa 3-2.

Kumubra si Amiel Acido ng 22 points at 10 boards habang gumawa sina Icee Callangan at Jan Pagulayan ng tig-18 points nang pataubin ng Junior Altas ang wala pang panalong Emilio Aguinaldo College, 96-81.

Nagbuhos si Ernest Geromino ng 17 points, 9 assists at 7 boards upang pangunahan ang Staglets kontra Jose Rizal University, 81-70.

Nahulog ang Red Cubs at Light Bombers sa 2-3.