Laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
2 p.m. – Perpetual vs San Beda (Men Finals)
MAKARAANG maitala ang makasaysayang panalo na tumapos sa 32-match winning run ng University of Perpetual Help System Dalta, mayroon pang dapat gawin ang San Beda.
May korona pang dapat mapanalunan, lalo na’t tinatarget ng Red Spikers ang mailap na breakthrough.
“Kulang pa,” sabi ni Ken Umali kasunod ng 17-25, 25-27, 25-22, 25-23, 15-11 panalo ng kanyang tropa kontra Altas na naghatid sa NCAA men’s volleyball best-of-three championship series sa deciding Game 3.
“Talagang mas uutay-utayin ko pa, talagang more practice and improvement pa kasi athlete pa ‘rin naman, nagkakamali ‘rin, pero basta andun yung salitang bawi, and tiwala lang sa sarili,” dagdag pa niya.
Ang San Beda at Perpetual ay magsasalpukan sa winner-take-all ngayong alas-2 ng hapon sa Filoil EcoOil Centre.
Hindi tulad ng Altas, na may 13 championships, ang Red Spikers ay hindi pa nagkakampeon. Naipuwersa ng San Beda ang deciding Game 3 kontra Letran sa 2009 Finals ngunit kinapos.
Sinabi ni Umali na may mga adjustments na dapat gawin ang Red Spikers, at ang tiwala sa isa’t isa ang magiging susi para makamit ang kanilang misyon.
“Paghihirapan namin lalong-lalo na sa defense and blocking. Then ‘yung sa pasa namin para ma-execute ‘yung bola ng mabilis at maka atake kami,” ani Umali, na nagtala ng 19 points at 10 receptions sa series-tying win.
“Tiwala lang sa mga kasamahan ko, tiwala lang sa bawat isa.”