NAGBALIK ang red tide phenomenon sa Cancabato Bay sa Tacloban City, dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas makaraang alisin ang shellfish ban, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sinabi ni BFAR 8 (Eastern Visayas) Director Juan Albaladejo na ang pagbabago ng klima ngayong buwan ang nag-udyok sa pagbabalik ng red tide sa look makaraang makitang ligtas na ito sa toxic organism noong Oktubre 31.
Ang pinakahuling insidente ng red tide sa Cancabato Bay ay naitala noong ikatlong linggo ng Agosto at nanatili hanggang Ok-tubre 31.
“If you check the weather pattern these past few weeks, we started with very warm weather and we experienced the tropical de-pression (Roman). These events may be the triggering factors (for) the resurgence of the red ride event. Hopefully, it is short-lived,” wika ni Albaladejo.
Lumitaw sa laboratory test ng BFAR na ang toxin levels ay umabot sa 10,000 cells per liter ng seawater at 80 micrograms per 100 grams ng karne, kumpara sa regulatory limit na 10 cells per liter ng seawater at 60 micrograms per 100 grams ng karne.
Ang Cancabato Bay ay mayaman sa cockle clams na iniluluwas sa Taiwan at Hong Kong.
Ito ang ika-4 na insidente ng red tide makaraang hagupitin ng super typhoon Yolanda ang Cancabato. Ang una ay tumagal lamang ng tatlong araw, ang ikalawa ay tatlong linggo at ang ikatlo ay nakaapekto sa look ng dalawang buwan. PNA