RED TIDE PATULOY PA RIN SA PALAWAN AT IBANG PROBINSIYA

BFAR

PINAG-IINGAT ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Local Government Units (LGUs) ang mga residente sa baybayin ng Leyte; Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; at Puerto Princesa at Honda Bay sa Palawan  dahil positibo pa rin umano ang mga nasabing lugar sa red tide.

Batay sa huling resulta ng mga laboratory test na isinagawa ng BFAR, may mga paralytic shellfish poison pa rin sa mga lamandagat, kahit sunod-sunod na ang bagyong dumating sa nasabing mga lugar, kung saan idineklara nang under state of calamity ang Palawan.

Positibo rin sa red tide ang baybayin ng Hinatuan at Lianga Bay sa Surigao del Sur kaya kailangan umanong iwasan munang kumain ng shellfish.

Karaniwang nabubuo ang red tide kung tag-araw, kung saan nabubulok ang mga algae at kinakapos ng oxygen ang mga lamandagat.

Tinatawag silang algal blooms (HABs) na nabubuhay sa maalat o matabang na tubig.

Kung tag-araw, hindi mapigilan ang pagdami nila na nakagagawa ng toxin na nakalalason sa tao, isda, shellfish, marine mammals, at ibon.

Gayunpaman, mas malakas ang resistensya ng shellfish kaya nakukuha nitong mabuhay depende sa dami ng red tide toxins na nakuha nila.

Naipapasa ang nakamamatay na toxins sa tao o hayop na kakain ng infected na shellfish kaya inaabisuhan ang lahat ng BFAR na umiwas munang kumain ng tahong at iba pang katulad nito kung may panganib ng red tide.     NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.