REENACTED BUDGET NA LANG SA 2019

tito sotto

“I’M  sick and tired.”

Ito ang naging pahayag ni Senate President Vicente Sotto III hinggil  sa walang katapusang alegasyon ng insertion at pork barrel sa 2019 budget.

Tila hindi na napigilan ni Sotto na ilabas sa harap ng media ang tila  kapaguran nito sa isyu ng alegasyon sa national budget.

Sinabi ni Sotto na kanyang iminungkahi kay Finance Committee Chairman Loren Legarda na para matigil na ang mga alegasyon  sa umano’y katiwalian sa ipinasok ng mga kongresista at mga senador, mas makabubuti na mag-reenacted budget na lang ngayong 2019.

Inihalimbawa pa ni Sotto, kumbaga sa larong mahjong itaob na lang ang mesa para tabla-tabla.

Ipinagtanggol pa nito na ang sinasabing P190 bilyong  insertion ng mga senador ay karamihan doon ay mga institutional amendment at hindi individual amendments tulad ng alegasyon.

Iginiit nito na  hindi maaapektuhan ang mga serbisyo ng gobyerno kahit reenacted budget at maging ang nalalapit na halalan ay hindi rin maaapektuhan dahil nakapaloob na sa 2018 budget ng Comelec ang P20 bilyon pondo para rito.

Suportado naman ni Senador Panfilo Lacson ang mungkahi ni Sotto na reenacted budget ngayong 2019.

Si Lacson ang na­ngunguna sa mga senador na bumubusisi ng mga umano’y insertion sa Kamara at Senado sa  2019 budget. VICKY CERVALES

APELA NG KAMARA SA SENADO:

HUWAG ABANDONAHIN ANG 2019 BUDGET

Umaalma si House Appropriations Committee Chairman Rolando Andaya Jr., sa plano ng Senado na bawiin ang senate version ng General Appropriations Bill at ituloy ang reenacted budget para ngayong taon.

Giit ni Andaya,  sila sa Kamara ay  pabor na gawing reenacted ang budget ngayong 2019 at ang nais lamang nila ay transparen-cy sa budget.

Umapela ang kongresista sa mga senador na huwag abandonahin ang bicameral conference committee at ituloy ang pagtalakay sa 2019 proposed national budget.

Hindi aniya nagbabago ang kanilang posisyon na magkaroon ng bagong budget ngayong taon at hindi mauwi sa reenacted lamang.

Nakahanda rin ang Mababang Kapulungan na ilabas ang kanilang mga ginawang amyenda sa pambansang pondo.

Mababatid na na­ging mailap ang Senado sa pagtalakay sa budget matapos na lumabas na may mahigit P189 bilyon na  pondo ang Senado para sa infrastructure projects gayong nasa P51  bilyon naman sa Kamara.                         CONDE BATAC

Comments are closed.