REF SA PBA BUBBLE POSITIBO SA COVID-19

Willie Marcial

ISANG game official ng PBA ang nagpositibo sa COVID-19.

Nalaman ni PBA commissioner Willie Marcial ang resulta, 24 oras makaraang sumailalim ang game official sa mandatory swab test, kasama ang 27 iba pa nitong Oktubre 19. Ang kanyang naunang tatlong tests – pawang mandatory para makapasok sa bubble — ay negatibo ang mga resulta.

Ayon kay Marcial, ang game official ay dinala na sa Athlete’s Village sa Tarlac para sa quarantine at muli itong isasailalim sa test. Ang first at second layer persons na nakasalamuha ng game official ay inilagay na sa isolation, at muling isasailallm sa test sa Oct. 24.

Nanindigan ang PBA na mahigpit na ipinatutupad ang protocol sa loob ng bubble at walang paglabag dito. Ang lahat ng banta o panganib ay sinusuri na ng PBA medical team, ng Clark Development Corporation (CDC) at ng Department of Health (DOH).

Magpapatuloy ang mga laro bagama’t lalong maghihigpit sa loob ng bubble at sa oras ng mga laro.

Bilang bahagi ng  protocol, lahat ng aktibidad (swimming, gym, jogging etc.) ay pansamantalang sinuspinde kahapon para bigyang-daan ang sanitization.

Tiniyak ni Marcial na ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng nasa PBA bubble ang pinakamahalaga sa kanila.

Aniya, mahigpit na ipinatutupad ang routine disinfection, pagsusuot ng face masks at face shields at social/physical distancing, gayundin ang contact tracing procedure upang mapanatili ang kaligtasan at integridad ng bubble.

Samantala, nagnegatibo ang naturang referee sa antigen test na isinagawa kahapon.

Isasailalim din siya sa isa pang RT-PCR test upang kumpirmahin ang  negative antigen result.

Comments are closed.