REFERENDUM NG DILAWAN

Magkape Muna Tayo Ulit

TATLONG araw na ang nakalipas mula nang sumipa ang opisyal na kampanya para sa mga aspirante na nais mahalal ng taumbayan sa 12 posisyon sa Senado. Samu’t sari ang kanilang nais na ipakita sa ating mga botante kung ano ang maaari nilang maitulong sa bayan kung sakaling sila ay palarin sa darating na Mayo.

May ekonomista raw. Ang iba ay itinutulak ang pansin sa agrikultura. Mayroon din diyan sa kanila na sinasabing ‘peace and order’ ang kailangan upang umunlad ang ating bayan. Ang iba ay ang pagtuon sa kapakanan ng kababaihan. Mayroon din diyan para sa OFWs. Ang iba naman diyan ay ginagamit ang pagiging biktima ng persekusyon daw ng nakaraang administrasyon. Ang iba naman ay nakabalik sa isipan ng mamamayan dahil sa kanyang pagsali sa isang sikat na teleserye. Ang daming isyu! Sa totoo lang, huwag tayong masyadong maniwala sa ganitong estilo ng pangangampanya. Mas maganda ay tingnan ang kanilang track record bago sila pumasok sa karera ng halalan. Dito ninyo makikita ang kanilang tunay na karakter at adbokasiya.

Para naman sa mga oposisyon, mahirap ang kanilang hamon sa eleksiyon na ito. Ang tinutukoy ko ay kung ilan sa mga oposisyon ang may pag-asang makapasok sa sinasabi nilang ’Magic 12’. Malinaw na mahirap makapasok ang mga nais maging senador ngayong 2019 lalo ang mga ‘first timer’. Ang mga iba ay nagbabalik sa Senado. May partida sila dahil mas kilala sila kaysa sa mga bagito.

Sinasabi ko ito dahil karamiham sa listahan ng ‘Otso Diretso’ ay mga bagito maliban lamang kina dating Senador Mar Roxas at re-electionist Bam Aquino. Ang anim sa kanila ay hindi gaanong kilala kung ikukumpara natin sa mga ibang lumalaban sa pagka-senador. Dagdag pa rito ay hindi sila nakasisiguro sa pondong ilalaan ng Liberal Party sa anim na kandidato ng ‘Otso Diresto’. Walang problema tayong nakikita kung pondo para sa kampanya ang pag-uusapan kay dating DILG Secretary at Senador Mar Roxas. May kaya ang pamilya ni Roxas. Ganoon din marahil kay Bam Aquino. Subalit marami rin ang tumatakbong re-electionist tulad na mas mataas sa survey kaysa kina Roxas at Aquino. Kaya hindi pa rin sila nakasisiguro na makakapasok sila. Inuulit ko, masikip ang labanan ngayon sa ‘Magic 12’. Kung hindi sila magsisikap at umikot nang husto sa bansa, baka ang mang­yari sa kanila ay ‘Zero Diretso’.

Mabigat ang hamon sa ‘Otso Diretso’. May nagsabi nga sa kanila na ang eleksiyon daw na ito ay maaaring tawagin na ‘referendum’ para kay Duterte. Hindi kaya kabaligtaran yata? Ang halalan na ito ay maa­aring ‘referendum’ o sukatan ng mga ‘dilawan’ kung may pag-asa silang makabalik sa 2022 presidential elections. Kapag nawalis o isa lamang ang pumasok sa mga kandidato ng ‘Otso Diresto’, maaaring mahirapan silang makabalik sa puwesto na natamasa nila sa halos tatlong dekada mula noong 1986 EDSA Revolution.

Comments are closed.