PALAG ang mga magkakapitbahay sa isang subdivision sa Biñan City, Laguna dahil sa sobrang abala at ingay ng isang cooking oil refilling station sa lugar.
“Ang issue is residential area, merong 10-wheeler na truck na dumarating doon para magdiskarga ng halos hours, tapos napakaingay ng makina,” reklamo ng isang residenteng si Tony Ayson.
“Bigla na lang darating ‘yung truck sa umaga tapos bobomba talaga ‘yan sobrang lakas, magigising ka talaga,” sabi naman ni David Ayson.
Kinausap na raw nila ang may-ari ng BMS Enterprises pero tuloy pa rin ang operasyon ng cooking oil refilling station.
“Noise pollution at air pollution ang dulot niyo dyan. Eh ang asawa ko kasi cancer survivor,” reklamo ni Lourdes Antoja.
Idinulog ng “Tapat Na Po” kay Biñan City Mayor Walfredo “Arman” Dimaguila, Jr. ang problema at pina-isyuhan na raw niya ng notice of violation ang BMS dahil ang permit nito ay para sa retailing at hindi refilling.
Pero sa kabila nito, hindi naman ipinasara ng lokal na pamahalaan ang refilling station.
“We will give them ample time para lumipat,” anang alkalde.
Ayon sa Business Permits and Licensing Office ng Biñan City, kasalukuyang ipinoproseso ang pag-upgrade ng permit ng BMS.
Pero dahil sa reklamo ng mga residente, hindi muna magbibigay ang barangay ng clearance for business permit.
Sinulatan at pinuntahan ang sinasabing may-ari ng BMS Enterprises para makuhanan ng panig pero hindi ito sumagot.
Comments are closed.