NASA dalawang milyong ektarya raw ang reforestation target ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang inihayag ni Secretary Maria Antonina Yulo-Loyzaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa isang press briefing sa Malacañang.
Gayunman, sinabi ni Loyzaga na prayoridad nila ang isang milyong ektarya na naisalang na, aniya, sa mapping.
Uunahin daw dito ang mga lugar na hindi nakapasa sa National Greening Program.
Dahil hindi naman ganoon kalaki ang badyet ng DENR, nilinaw ng kalihim na hindi maisasakatuparan ang programa kung wala itong magiging katuwang sa implementasyon nito tulad ng pribadong sektor.
Kamakailan, nakiisa naman si PBBM sa pagdiriwang ng Philippine Environment Month, Philippine Arbor Day, at ika-160 na anibersaryo ng Philippine Forestry Service sa DENR Central Office sa Quezon City.
Aba’y pangangalaga ng kapaligiran at pagsisiguro sa integridad nito para sa mga Pilipino at kinabukasan ng bansa ang naging sentro ng mensahe ng Pangulo.
Sabi nga ng Presidente, mahalaga ang pagtutulungan o kooperasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan, pribadong sektor, at ng publiko sa pagprotekta ng kapaligiran at limitadong mapagkukunan ng likas na yaman ng bansa.
Maisasakatuparan daw ito sa pamamagitan ng mga programa tulad ng matagumpay na forest management project sa Ilocos Norte, katuwang ang Asian Development Bank (ADB).
Kung hindi ako nagkakamali, bahagi rito ang pagtatanim ng puno, watershed development, at pagtataguyod ng cooperative organization.
Samantala, dinala na nga pala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang kanilang anti-illegal drugs campaign sa Kamindanawan.
Pinangunahan kasi ni Abalos ang regional rollout ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) program sa SOCCSKSARGEN nitong weekend sa Alabel, Sarangani.
Kung hindi ako nagkakamali, nasa 8,000 indibidwal mula sa iba’t ibang sektor ang nagtipon-tipon sa Capitol Grounds para ipakita ang solido nilang suporta sa BIDA Fun Run.
Bukod kay Abalos, dumalo at lumahok din sa event sina dating senator at BIDA Ambassador Manny Pacquiao at Sarangani Governor Rogelio Pacquiao na kapwa nakumpleto ang three-kilometer run.
Sa nasabing aktibidad, muli namang ipinanawagan ni Abalos ang whole-of-nation approach sa pagtugon sa problema sa ipinagbabawal na droga sa rehiyon at sa buong bansa.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!