MAKARAANG ipag-utos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang paghuli at pagkain ng mga isda sa karagatan kung saan apektado ng oil spill dahil sa paglubog ng MT Terranova, ipinag-utos naman ni Health Secretary Ted Herbosa na isailalim na sa refresher ang mga doktor kaugnay sa mga protocol para sa poison management sa gitna ng mga insidente ng tumagas na langis mula sa Bataan.
Ayon kay Health ASec. Albert Domingo, hindi lahat ng doktor ay mayroong instant na kaalaman pagdating sa pangangasiwa sa lason kaya nagsasagawa na ang ahensiya ng refresher sa mga ito.
Payo ng DOH sa mga doktor na kapag may mga pasyenteng posibleng nagkaroon ng exposure sa tumagas na langis, huwag mag-atubiling tumawag at kakausapin ang mga ito ng isang toxicologist, isang espisyalista pagdating sa lason na siyang gagabay sa kung ano ang dapat na gawin at ibigay sa pasyente.
Hinimok naman ni Domingo ang publiko na mayroong health concerns matapos ma-expose sa tumagas na langis na agad tumawag sa hotline ng DOH na 1555.
Para naman sa mga komplikadong kaso at health professionals na nangangailangan ng referral sa mga espesiyalista, maaaring i-kontak ang mga linya ng East Avenue Medical Center Poison Control at PGH National Poison Management and Control Center.
EUNICE CELARIO