REFRESHER SA MGA PULIS PANAHON NA

Cascolan

CAMP CRAME-KASUNOD ng shooting incident sa Jolo, Sulu kung saan apat na sundalo ang nasawi sa kamay ng mga pulis,  nais ni PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan na i-refresh ang kaniyang mga kabaro na nasa malalayong probinsiya.

Aniya, ang refresher ay sa anyo ng seminar-lecture upang muling ipaalala ang katungkulan ng alagad ng batas.

Kaakibat nito ang pagpapaalala sa mga gina­gampanan ng mga pulis sa lipunan, una ang pagpapatupad ng batas, pagbibigay ng seguridad, paggalang sa karapatang pantao at protocol sa rules of engagement.

Kasama rin sa isusulong na lecture-seminar ni Cascolan ang pagbibigay kaalaman alinsunod sa kaniyang binalangkas na Enhanced Managing Police Operations (EMPO) na isang all in one police programs.

Nais ding ibahagi sana ni Cascolan ang kanyang tatlong school of thought na “Leadership, Mentoring at Discipline”.

“If you lead you should be an example, when you lead, you should be able to mentor your people and teach them the righteous way and when you have led and mentored, you will be able to discipline and likewise be respected and trusted,” ayon kay Cascolan.

Kasama rin sa nais ipaalala ni Cascolan ang tamang attitude o asal sa trabaho para taglayin ang pagiging propesyonal sa tour of duty at mapahusay rin ang performance ng mga ito gayundin ang self-control upang makaiwas sa kompromiso.

Aniya, panahon na para marepaso ng mga pulis ang kanilang tungkulin, police operational manuals at ginagampanan sa lipunan lalo na’t sa nakalipas na tatlong buwan ay halos napokus ang organisasyon sa paglaban sa pagdami ng kaso ng COVID-19.

“It’s  high time to visit our men to uplift their spi­rit, morale and remind them of our mandate,” ayon pa kay Cascolan.

Gayunman, paglilinaw ng PNP’s No. 2 in command na hinihintay niya ang approval ni PNP Chief, Archie Francisco Gamboa para maisagawa niya ang planong lecture-seminar sa mga pulis.

Sakaling aprubahan, unang nais bisitahin ni Cascolan ang Mindanao region. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.