PALALAWIGIN pa ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang registration hours upang makapagtala ng mas maraming bagong botante para sa May 2022 presidential elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, mula sa dating hanggang 3:00 ng hapon lamang ay nais nilang ma-extend pa ang registration hours ng hanggang 5:00 o 5:30 ng hapon.
Aniya pa, ikinokonsidera na nila ang magdaos na rin ng voter registration tuwing weekends.
Sinabi ni Guanzon, inaprubahan na rin ng Comelec en banc ang overtime pay para sa kanilang staff.
Pag-uusapan na rin nila ang maayos na pagsasagawa ng barangay satellite registration.
Ani Guanzon, layunin ng mga naturang hakbang na makahikayat pa ng mga botante na magpatala para sa nalalapit na pampanguluhang halalan.
Una nang sinabi ni Guanzon na mahigit isang milyon pa lamang ang mga botanteng nagpapatala para sa halalan at maliit na bahagi aniya ito kumpara sa tinataya nilang apat na milyong unregistered voters sa bansa.
Nabatid na ang voter registration ay nakatakdang magtapos sa Setyembre 30.
Muli namang umapela naman si Guanzon sa mga Pinoy na samantalahin ang pagkakataon at magparehistro na dahil hindi na aniya nila palalawigin pa ang registration deadline. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.