REGULASYON SA E-CIGARETTES ILALABAS NA NG DOH

e-cigarette

ILALABAS  na  ng  Department of Health sa Hunyo ang isang admi­nistrative order na magre-regulate sa pagbenta at pagbili ng electronic nicotine delivery system (ENDS), kabilang na ang e-cigarettes.

Ayon kay DOH Undersecretary and spokesperson Eric Domingo kamakailan, ang kautusan ay ipatutupad upang mapigilan ang mga menor de edad na makabili nito.

Inaprubahan na ng executive committee ng DOH ang kautusan at susundan ito ng pagsasapinal para mapirmahan ni Health Secretary Francisco Duque.

Tahasang sinabi ni Domingo na siyang namumuno ngayon sa FDA kasunod ng pagkakasibak kay dating Director General Nela Charade Puno, ang regulasyon ng FDA ay pamumunuan ng ahensiya lalo na ang regulasyon ng ENDS.

“The administrative order is a regulation on the actual product itself and the distribution. Unang-una bawal ibenta sa bata. Bawal i-advertise, hindi puwede ‘yung flavors na attractive to children at kailangang nakalagay ‘yung contents,” aniya.

Dagdag pa ni Domingo, hindi rehistrado ang kaliwa’t kanang mga vaping shop sa buong bansa.

Sa ngayon, hindi pa nababatid kung ilang Pinoy ang tumatangkilik sa e-cigarettes ngunit sinasabi na 20 milyong Pinoy ang naninigarilyo. Sinabi ni  Domingo na nais nila itong pababain sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo nito.

“Itong huling Pulse Asia Survey natin, nakita na 24% na naman ng mga adult Filipinos ang naninigarilyo. Dati napababa na natin ito to 22%. Ibig sabihin po dumarami at taon-taon nadaragdagan na naman ng maraming naninigarilyo saka ‘yung nagkakasakit darami na naman,” aniya.

“So kailangang i-reverse natin itong trend na ito kasi ang goal natin ay less than 15% ng mga Filipino ang smokers para mapababa talaga natin ang sakit.”

Isinusulong ng DOH at Department of Finance ang pagtataas ng ‘sin’ tax sa tobacco at alak upang mapondohan ang kulang na P426 bilyon para sa buo at tamang implementasyon ng Universal Health Care program sa susunod na limang taon.

Comments are closed.