PADADALHAN ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng ‘show cause order’ si Cebu Governor Gwen Garcia kung ang regulasyon nito sa pagsusuot ng ‘face masks outdoors’ ay mananatiling hindi nakahanay sa panuntunan ng pamahalaan.
“That should be the last step, sending a show cause order to the good governor but in the meantime, we’ll have to ask our officials in the region to talk to the governor to make some adjustments in the executive order,” pahayag ni Interior Undersecretary Epimaco Densing III sa public briefing nitong Lunes.
“There’s a good intent by the executive order of Gov. Gwen but more importantly, we should most probably look into the details that it should be aligned with what is pronounced by the president,” ayon pa kay Densing.
Nitong nakaraang Linggo ay nilagdaan ni Gov. Garcia ang executive order kung saan ay nagsasaad na ang pagsusuot ng face masks ay mandato lamang sa mga closed and air-conditioned spaces at sa mga taong nagpapakita ng sintomas ng COVID-19.
Una nang tinanggihan ng pamahalaan, kabilang si DILG Secretary Eduardo Año at Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang nasabing EO ni Garcia at iginiit na kailangang sundin ng lahat ng local governments ang ipinatutupad na panuntunan ng Inter-agency Task Force na inaprubahan ng Pangulo.
“Ang direktiba po ay sitahin ‘yung ating mga kababayan na hindi nakasuot ng face mask. Kung may dalang face mask ‘yung ating kapulisan, bigyan po sila ng face mask,” ani Densing.
Nilinaw din nito na aarestuhin pa rin ng mga awtoridad ang sinumang indibidwal na mamamataan na walang suot ng face masks sa labas ng kanilang mga tahanan.
Binigyang-diin pa ni Densing na ang patuloy ang protocol sa pagsusuot ng face masks kahit pa indoor o outdoor, lalo na sa mga matataong lugar.
“In general terms, everybody should still continue to wear face masks. Hindi pa po nakalift ‘yung ating national public health emergency (at) meron pa ring various (COVID-19) variants of concern,” dagdag pa ng DILG official. EVELYN GARCIA