PAIIGTINGIN ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang ‘war on drugs’ na sinimulan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, subalit gagawin niya ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng regional rehabilitation centers upang tuluyan nang mawala ang problema ng droga sa bansa.
Sa inilabas na ulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, bumaba ng 73.76% ang crime rate sa bansa simula nang maupo si Pangulong Digong matapos ang matagumpay niyang kampanya kontra droga.
Ayon kay BBM kailangan ituloy ang kampanya kontra droga upang tuluyan ng mawala ang problema dito sa pamamagitan ng pagpapalakas sa enforcement, edukasyon at rehabilitasyon ng mga sugapa sa droga.
“We have to continue doing something about it, ang naging focus ng Duterte administration is the enforcement side ng drug problem, sa aking palagay, nagawa na natin lahat ng kailangan nating gawin in the enforcement side,” ayon kay Marcos.
Sinabi pa nang dating senador na kailangang maging agresibo rin sa pagtuturo lalo na sa mga kabataan, kasama ang mga magulang, eskwelahan at maging ang simbahan, hinggil sa masamang epekto ng bawal na droga.
“Kailangan na natin pag-aralan yung prevention, turuan natin yung mga bata na huwag pumasok sa ganoong buhay, isama natin yung mga magulang, kasama din yung eskwelahan, kasama pati ang simbahan,” sabi ng dating seandor.
“Kailangan maipasok natin sa kultura natin, ituro natin sa mga kabataan na delikado iyan hindi lang buhay mo ang sisirain mo pati buhay ng buong pamilya mo, pati buhay ng community mo kapag napasubo kayo sa droga, hindi lang user, mahirap kung mapasama pa kayo sa sindikato wala magandang patutunguhan iyan,” dagdag ng dating senador.
Sabi pa ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na kailangan ma-secure ang mga biktima ng droga, magkaroon ng regional rehab centers bukod sa mga naitayong malalaking rehab centers sa bansa kung saan may mga eksperto na alam kung paano matutulungan ang mga biktima.
Pagpapatuloy pa ni Marcos na pagdating sa enforcement side ay sisiguraduhin niya na mag-focus ito sa mga malalaking drug lords dahil ang mga maliliit na tao ang biktima ng mga mga sindikatong ito.
“I will make sure na sa enforcement side ay maging focus dun sa mga bilyon ang kinikita, iyon ang hahanapin natin, kasi yung mga maliliit na mga tao ay binibiktima ng mga sindikatong ito kaya sila ang huhulihin natin,” ani Marcos.