NANGAKO ang Philippine Sports Commission (PSC) na bibilisan ang rehabilitasyon ng iba’t ibang dorms na tinutuluyan ng mga miyembro ng national teams sa harap ng pagkamatay ni wushu junior athlete Rastafari Daraliay.
Ayon kay PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez, ang remodelling ng mga dorm ay ‘overdue’ na at sinisi ang procurement process sa pagkakaantala.
“It becomes a compelling position of the PSC, not just to react, but to immediately rehabilitate all of these facilities,” wika ni Ramirez sa pagtatapos ng isang emergency Management Committee meeting kahapon ng umaga upang talakayin ang bagay na ito kasunod ng pagkamatay ni Daraliay, 11, noong Sabado ng umaga.
“The more that it becomes a more compelling reason for the PSC to demand the money that we’re supposed to have for funding these facilities,” dagdag ni Ramirez sa isang emergency press conference.
Batay sa report, si Daraliay ay nahulog mula sa top bunk ng isang double-deck bed sa loob ng athlete’s dorm sa Rizal Memorial Sports Complex dakong alas-3 ng umaga noong Sabado. Bumalik siya sa kama at muling natulog makaraang sabihin sa kanyang mga kasamahan na OK lang siya, subalit hindi na muling gumising.
Dinala pa siya sa ospital kung saan siya binawian ng buhay.
“We will answer the call of the athletes,” ani Ramirez. “Lalong lumakas ang loob namin na bilisan namin ito. Naka-schedule talaga ‘yan, naunahan lang tayo ng events.”
Si Ramirez ay sinamahan sa media briefing nina Wushu Federation of the Philippines (WFP) secretary-general Julian Camacho at PSC acting executive director Atty. Guillermo Iroy.
Nagsagawa na ng autopsy sa bangkay ni Daraliay at ang resulta ay malalaman sa Miyerkoles.
Inilarawan ng PSC chairman ang pagkamatay ni Daraliay, nagwagi ng gold medal sa nakalipas na Batang Pinoy Nationals Finals, na isang ‘aksidente’.
Nangako naman si Camacho na tutulungan ang pamilya ng atleta.
“WFP will extend to its family whatever assistance they needed including hospital payment and funeral expenses,” ani Camacho.
Comments are closed.