NAKATAKDANG buksan ng Pasig City ang sarili nitong drug rehabilitation at reform center, ang unang in-patient rehab base na pangangasiwaan ng isang local government unit sa bansa.
Ayon kay outgoing Pasig City Mayor Bobby Eusebio, ang proyekto ay alinsunod sa anti-illegal drug campaign ng administrasyong Duterte.
Ang Bahay Reporma ay magiging isang three-storey edifice na matatagpuan sa Barangay San Miguel, wala pang tatlong kilometro ang layo sa Pasig City Hall. Ang 150-bed center ay mag-aalok kapwa ng medical at psychotherapy services para sa mga taong dumaranas ng iba’t ibang uri ng addiction, kabilang ang alcoholism at non-substance dependence.
Sinabi ni Eusebio na ang pasilidad ay magkakaroon ng sapat na lugar para ligtas at epektibong makapagkaloob ng health service sa mga pasyente. Bibigyan ng prayoridad ang mga residente ng lungsod.
Magkakaroon ng hiwalay na living quarters para sa female at male patients, bathrooms, counselling at testing rooms, outdoor activity area at maging emergency clinic.
Pangangasiwaan ng Department of Health (DOH), ang Bahay Reporma ay magkakaroon ng full-time medical staff na tutugon sa mga pangangailangan ng mga pasyente.
Ayon pa kay Eusebio, base sa five-year data mula sa Anti-Drug Council of Pasig (ADCOP) at sa Pasig City Health Office, bumaba ang bilang ng Pasigueños na gumagamit ng illegal drugs. Sa parehong datos ay lumitaw na dumami ang female drug users, na nagbibigay-katuwiran sa pangangailangan ng isang in-patient rehab program, isang bagay na salat sa kasalukuyang pambansang sitwasyon.
Ang Bahay Reporma ay susuporta sa iba pang anti-illegal drug abuse program ng Pasig LGU, kabilang ang ADCOP holding center, Pasig City Out-Patient Center for Drug Abuse at isang hightech Drug Testing Laboratory na nasa city hall premises.
Dahil sa pagsisikap at pamumuno ni Eusebio, ang ADCOP ay kinilala ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong 2016 at 2017 bilang may best programs laban sa illegal drugs sa mga lungsod sa Metro Manila at pangalawa sa buong bansa, susunod sa Davao City.
Comments are closed.