ITUTULAD ng Palasyo ng Malacañang sa rehabilitasyon sa Boracay Island ang gagawing rehabilitasyon sa Cordillera Administrative Region para matulungan ang mga mawawalan ng trabaho na epekto ng pagpapasara ng mga maliliit na minahan doon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na alam na ng Department of Social Welfare and Development ang gagawing sistema para tumulong sa mga mawawalan ng trabaho.
Wala pang pahayag kung hanggang kailan ipatutupad ni Environment Secretary Roy Cimatu ang moratorium sa small scale mining operations sa CAR.
Dagdag ni Roque na ang mahalaga ay walang mining operations para mabigyan ng pagkakataon ang Cordillera mountains na makabawi matapos ang maraming taong pinsala mula sa pagmimina.
Susuportahan ng gobyerno ang mga mawawalan ng hanapbuhay sa pamamagitan ng cash for work program, kabuhayan sa pamamagitan ng pagtatanim ng gulay o pagtatanim ng punongkahoy, na makatutulong din para maging stable ang lupa sa mga bulubundukin ng Cordillera.
Inaalam na ng DSWD ang mga apektadong small scale miners para maisama sa cash for work program at emergency employment program ng gobyerno. NENET VILLAFANIA
Comments are closed.