AABUTIN ng pitong taon ang rehabilitasyon ng Manila Bay, ayon sa Department of Envi- ronment and Natural Resources (DENR)
Nakatakdang simulan ang rehabilitation process sa Manila Bay sa Enero 27 at unang tatamaan dito ay ang tinatawag na “billionaire’s lane” kung saan matindi ang fecal coliform level.
Lumalabas sa isinagawang pag-aaral ng mga eksperto na mataas sa coliform content ang tubig sa Manila Bay na mapanganib sa kalusugan ng mga tao.
Sa isinagawang inspeksiyon ni Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu sa mga estero sa Maynila, lumalabas na ang mga dumi na galing sa mga ito ay dumidiretso sa Manila Bay dahil sa kawalan ng sewerage system, treatment plant at sariling septic tank.
Nag-ikot si Cimatu sa estero San Antonio de Abad sa pagitan ng Ospital ng Maynila, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Manila Zoo, nakita niya na walang treatment plant ang zoo kaya inatasan niya ang pamunuan nito na ayusin ang dinadaluyan ng dumi ng mga hayop.
Napag-alaman pa na ang mga sewerage system kung saan konektado ang mga bahay, hotel at iba pang establisimiyento ay napupuno ngunit hindi nila ito magawang linisin.
Bunga nito ay uunahin munang alamin ng DENR ang mga estero na posibleng pinagmumulan ng dumi na tumatapon sa Manila Bay bago ang rehabilitasyon nito.
Tiniyak ng kagawaran na sa una o ikalawang buwan ay mayroon nang pagbabago sa Manila Bay.
Aabutin ng P47 bilyon ang magagastos sa rehabilitasyon ng Manila Bay kasama na ang paglilipat sa informal settlers na nasa paligid nito. NENET VILLAFANIA
Comments are closed.