REHAB SA MARCOS BRIDGE SA MARCOS HIGHWAY SISIMULAN NA

MARCOS BRIDGE

INIANUNSIYO na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga moto­rista ang pagsasara ng east bound lane ng Mar-cos Bridge sa kahabaan ng Marcos Highway bukas (Sabado, Mayo 25) upang bigyang daan ang  rehabilitasyon ng natu­rang tulay.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, simula alas-11:00 ng gabi bukas ay pagbabawalan na ang mga motorista na dumaan sa eastbound portion ng nabanggit na tulay na matagal-tagal na ring naantala ang planong rehabilitasyon dito.

“Makaraan ang dalawang linggong pagkakaantala ay isasara na ang Marcos Bridge sa susunod na apat na buwan upang bigyang daan ang nararapat na pagsasagawa ng rehabilitas­yon dito,” ani Garcia.

Sa orihinal na plano ay noon pang Mayo 4 na dapat naisara ang naturang tulay ngunit ilang beses din itong pinagpaliban dahil sa isinagawang ocular inspection at hindi pa handa ang private contractor para sa rehabilitation project ng nabanggit na tulay.

“Sa ngayon ay handa na ang mga private contractors sa pagsasagawa ng rehabilitasyon makaraang makumpleto na nila ang mga requirement na na-rarapat nilang isumite,” ayon pa kay Garcia.

‘Yung mga light vehicle lamang na papuntang Antipolo ang  pagbibigyang dumaan ng westbound direction samantalang ang mga motorista naman na papuntang Cubao ay maaring gamitin ang service road sa harapan ng SM Marikina mall.

Napag-alaman na ang naturang tulay na nasa boundary ng Marikina at Pasig City ay itinayo noon pang 1979 kung saan dumadaan dito ang 6,400 na sasakyan  kada oras.

Dagdag pa ni Garcia, maglalagay rin ng road traffic advisories sa lugar ng naturang proyekto upang mabigyan ng karagdagang impormasyon ang publiko gayundin din ang mga motorista na dumadaan dito.  MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.