REHABILITASYON NG CORREGIDOR ISINULONG

CAVITE – ISINUSULONG ng lokal na pamahalaan ng Cavite City at ilang opisyal ng 1st district kaugnay sa rehabilitasyon ng Isla ng Corregidor para pasiglahin ang turismo sa nasabing lalawigan.

Kapwa nilagdaan ang Memorandum of Agreement nina Cavire City Mayor Denver Chua at mga opisyal ng Corregidor Foundation, Inc. sa gagawing redevelopment project ng nabanggit na isla.

Nabatid din sa ilang lokal na opisyal ng Cavite City na kailangang isaayos na ang isla dahil sa nakaumang na rin ang proyektong tulay na magdurugtong sa pagitan ng Bataan at Cavite upang mas lalong mapalakas ang turismo.

Dadagsa ang libu-libong employment opportunities sa nasabing proyekto sa turismo ng Corregidor kung saan mas lalong makikilala ng mga susunod na henerasyon ang naging ambag ng isla sa mayamang kasaysayan ng bansa.

Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Cavite City na aprubado na ng Tourism Infrastructure ang Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang pinal at komprehensibong plano para sa turismo sa nasabing isla.

Nagpasalamat din si Mayor Chua sa mga mamamahayag na lumahok sa pagbisita sa nasabing isla upang maipakita sa publiko ang tunay na kalagayan ng Corregidor Island para sa turismo. MHAR BASCO