REHABILITASYON NG EDSA, MATUTULOY KAYA?

magkape muna tayo ulit

Isa sa mga tinitingnan ng mga banyagang negosyante para magsimula silang mamuhunan sa isang bansa ay ang lagay ng transportasyon dito. Importante ito upang makapagbiyahe ng mabilis lalo na sa pag-deli­ver ng kanilang produkto sa mga karatig na pook.

Kung susuriin natin, nahuhuli ang Pilipinas kumpara sa mga bansa sa Asya kung pag-uusapan ang transportasyon.

Sa isang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), lumabas na umaabot sa 3.5 bilyong piso ang nawawala sa ating ekonomiya kada isang araw dahil sa malalang trapik sa Maynila lang. Kung susumahin sa isang taon, nawawalan ang ekonomiya natin ng 1.27 trilyong piso. Huwaw!

Dahil sa malalang trapik sa  ating bansa, iminungkahi ng Management Association of the Philippines (MAP) noong nakaraang taon sa gobyerno na ideklara ang state of calamity sa Maynila. Hindi ito lumusot sa Metro Manila Development Autho­rity (MMDA).

Noon pang 2015 dapat irere-habilitate ang EDSA ng Department  of Public Works and Highways (DPWH), pero binaril din ng MMDA ang plano. Ayon sa MMDA, mala­king abala kasi sa pagbibiyahe sa kahabaan ng EDSA kung ito ay itutuloy.

Bago kasi pumayag ang MMDA sa ganitong proyekto, dapat muna siguraduhin ng DPWH na may klarong plano sila kung paano gagawin ang rehabilitasyon na hindi maabala ng taong bayan.

Kahapon, sinabi ng kalihim ng DPWH Manuel Bonoan na nakatakda nang ire-habilitate ang EDSA dahil nais ng Pangulong Ferdinand Marcos na bigyan ang taong bayan ng mas maayos na transportasyon sa EDSA.

Pumayag ang MMDA sa plano ng DPWH, pero wala pang saktong buwan ngayon taon kailan sisimulan ng DPWH ang proyekto.

Ang DPWH ang may pinakamalaking budget sa taong ito, na aabot sa 1.007 trilyong piso, pero hindi kasama rito ang rehabilitasyon ng EDSA. Subalit sinabi ni Bonoan na maglalaan sila ng 7 bilyong piso para rito, ngunit ang bahagi nito ay manggagaling pa sa 2026 budget.

Ang ibig sabihin ba nito ay aabot pa sa susunod na taon ang rehabilitasyon ng EDSA? Parang may naamoy akong malansa dito sa pahayag ng DPWH. Hmmmm…

Di naman sikreto at kalat ang tsismis na ang DPWH daw ang isa sa mga pinaka-korap na ahensiya ng gobyerno, kaya naman parang mahirap paniwalaan ang gagawin na pagsa-saayos ng EDSA.

Kaya pumayag ang MMDA sa proyektong ito dahil sinabi raw sa kanila ng DPWH na kapag si­nimulan na ang rehabilitasyon, isang lane lang ng EDSA ang aayusin. Pero sa tingin ko malaking aba­la pa rin ito sa motorista na binabaybay ang EDSA araw-araw.

Hindi pa maliwanag ang detalye ng proyekto at mukhang mahaba pang pagpupulong ang gagawin ng DPWH para mailatag ng mabuti ang kanilang planong rehabilitasyon ng EDSA. Mamimili pa sila ng contractor na gagawa nito. Kaya ang kasagutan dito ay ang mabilis na rehabilitasyon ng EDSA. Kung kaya matapos ito ng isang buwan, mas mabuti. Batay kasi minsan sa ating karanasan sa mga proyekto ng DPWH, kadalasan ay mabagal at nakatiwangwang ng ilang buwan bago tapusin ang mga nasabing proyekto.

Nawa’y hindi maging katulad ito ng paglalagay ng extension ng LRT mula Baclaran hanggang Bacoor, Cavite. Kasi unang inilabas ng Department of Transportation and Communication ang planong pagdaragdag ng 4 na istasyon mula Baclaran ay noong pang panahon ni Mar Roxas noong 2012. Inabot ng 12 taon bago natapos ang extension, pero di pa rin kumpleto hanggang Bacoor.

Babantayan natin ang plano ng DPWH. Bilang isang motorista na araw-araw dumadaan sa EDSA, sana nga maging tagumpay ang planong ito. Sino ba ang may ayaw ng progreso at kaayusan ng daloy ng trapik sa EDSA?