REHABILITASYON NG LOAKAN AIRPORT MAG-AANGAT SA TURISMO AT KALAKALAN

LOAKAN AIRPORT-1

SINUPORTAHAN  ni Senador Sonny Angara ang plano ng gobyerno na isailalim sa rehabilitasyon ang Loakan Airport na takda umanong pondohan ng P492-M, kabilang na rito ang pagsasaayos sa mga kalsada malapit sa paliparan.

Anang senador, ang planong ito ng pamahalaan ay bahagi ng komprehensibong hakbang para sa pagsasaayos ng imprastraktura na magpapaa­ngat sa turismo at kalakalan sa lungsod ng Baguio.

Sinabi pa nito, bilang isa sa mga madalas da­yuhin ng mga lokal at internasyonal na turista, mahalagang i-prayoridad sa mga programang pang-imprastraktura ng gobyerno ang Baguio City.

“Hindi dapat maiwan ang Baguio City sa mga programang pang-imprastraktura ng national government, lalong-lalo na ang Loakan Airport, dahil malaki ang maitutulong nito upang lalo pang yumabong ang ekonomiya ng siyudad,” diin ng senador.

Gayunman, pinaalalahan ng senador ang pamahalaan na dapat ay siguruhing may matutuluyan ang mga residente at informal settlers na posibleng mawalan ng tirahan o maapektuhan sa rehabilitasyon ng airport at ng mga kalsada.

“Dapat ay isaalang-alang din ang mga residenteng maaapektuhan. Dapat ay kasama sila sa plano ng pag-unlad,” dagdag pa ni Angara.

Malaki ang paniwala ni Angara na sa pamamagitan ng malawakang operasyon ng Loakan Airport, mas mapalalakas nito ang ekonomiya ng buong rehiyon ng Cordillera. VICKY CERVALES

Comments are closed.