REINCARNATION, TOTOO BA?

REINCARNATION

(ni NENET L. VILLAFANIA)

HINDUISM at Buddhism — mga relihiyong sa ­unang sipat ay pareho, ­ngunit sa totoo lang ay magkaibang-magkaiba. May mga detalye sila tungkol sa Reincarnation o Rebirth. Magkatunog, pero habang hinihimay natin, malalaman nating mayroon silang pagkakaiba sa kanilang mga turo. Mayroon silang iba’t ibang pa­raan ng pagsam-ba, rituwal, panalangin, mga diyos, at marami pa. Marahil dahil ang nagtatag ng Buddhism – si Siddharta Gautama Buddha – ay isang Hindu bago niya natagpuan ang kanyang sariling relihiyon. Ang dalawang lumang relihiyon ay maraming impormasyong iisa-isahin natin.

“Ang Hinduismo ay koleksiyon ng mga paniniwala sa relihiyon na dahan-dahang umunlad sa loob ng mahabang panahon,” (World History Patterns of Interaction, 2005), kaya si­guro hindi na malaman kung saan at paano ito nagsimula. Naniniwala ang mga Hindu sa karma at reincarnation. Paniwala nila, ang Karma parang boomerang. Kung ano ang ginawa mo, masama man o mabuti ay babalik sa ’yo. Depende sa ginawa  o espirituwal na prinsipyo ng sanhi at epekto (cause and effect) kung saan ang intensiyon at kilos ng isang tao (sanhi) ay nakaiimpluwensya sa hinaharap ng taong iyon (epekto). Ang reincarnation sa kabilang banda ay ang pagsisimula ng isang bagong buhay sa bagong katawan pagkatapos ng kamatayan. Ang pangunahing kon-septo sa Hinduismo ay ito: ang kaluluwa ay patuloy na magre-reincarnate hanggang maging malinis na malinis at handa nang mamahinga. Ang Hinduismo ay walang tagapagtatag. Nabuo ito higit sa apat na libong taon na ang nakalilipas, na nagmula sa India, noong 2000 B.C. Ang Budismo naman na  batay sa mga karanasan sa buhay at mga turo ni Buddha, na ipinanganak noong 563 B.C., sa Himalayas, ay nagsimula noong ikaanim na siglo B.C. sa Asya.

Kapwa naniniwala ang dalawang relihiyon sa Samsara (universal system of birth and death). Sa samsara, ang isang tao ay muli at muling magre-reincarnate hanggang maging malinis ang kanyang espiritu. At doon lamang mahihinto ang reincarnation.

Sa hiwalay na nabasa ng inyong lingkod, ang reincarnation ng mga Hindu ay hindi lamang sa katawan ng tao nagaganap kundi maging sa lahat ng uri ng insekto at hayop, kaya gayon na lamang ang paggalang ng mga mongheng Hindu sa buhay, na kahit ipis at daga ay hindi nila pinapatay. Maging ang anak, kahit pa sirain ang kanilang bahay, ay hindi rin pinapatay, sa panini-walang maaaring mga tao itong nag-reincarnate dahil sa karma. Sa madaling sabi, kung ako ay isang Hindu, malamang na mare-reincarnate ako bilang daga o ipis sa dami ng kasalanan ko sa kanila. Binabayaran daw natin ang ating pagkakasala sa nakaraang buhay, at kasama rito ang kalupitan sa hayop. Kahit mukhang okay naman ang reincarnation, nangangahulugan din itong mauulit na maranasan ng isang tao o hayop, ang lahat ng mga paghihirap at kalungkutan.

Kapwa nangangako ng kaligtasan at naniniwalang dapat maabot ng tao ang eternal rest ang Hinduism at Buddhism ngunit  hanggang doon na lamang ang kanilang pagkakatulad. Bina-banggit ang Samsara sa Veda, ang pinakalumang aklat ng relihiyon ng Sanatana Dharma na binuo sa India noong 1500 – 2000 BC. Dito, ang mga Diyos at mga Diyosa, tulad ng tao, ay nagre-reincarnate ng paulit-ulit bilang mga Avatar – tao rin ang hitsura ngunit diyoses. Iyon lamang ang pagkakaiba ng tao ay diyoses. Ang diyoses ay maibababa lamang hanggang tao, saman-talang ang tao ay maaaring maging hayop o insekto. Nangangahulugan itong, “lahat, tao man o diyos ay dapat mag-reincarnate at gagantimpalaan o parurusahan ni Vidhata batay sa kanyang mga ginawa (Karma) sa nakaraang buhay. In other words, si Vidhata lang ang hindi nagre-reincarnate dahil siya ang God Almighty.

Naniniwala ang Hinduism ay nabibilang sa isang estado sa lipunan batay sa past life at dadalhin niya ito sa susunod na buhay kaya nga puwede silang maging hayop kung nagpakahayop sila habang nabubuhay. Ngunit para sa mga Buddhist, walang kinalaman ang past life sa hinaharap. Paulit-ulit ka lamang magre-reincarnate bilang tao hanaggang sa matuto kang magpakatao. Pareho silang naniniwalang hindi matatapos ang reincarnation hanggang hindi luminis ang espiritu – ‘yun ay kung matututo ka ng leksiyon. Pero ang mga Buddhist ay may kaunting pagkakai-ba. Naniniwala silang ang pagdurusa ay sanhi ng pagnanasa, at matatapos ang reincarnation kung mawawala ang pagnanasa.

Sumasamba ang Hinduismo sa maraming diyos – napakarami, depende sa kanilang pangangailangan. Ang Budismo ay walang diyos, ngunit sa Mahayan version, si Buddha ay si-nasamba bilang isang diyos. Naniniwala ang mga Hindu na kung sinusunod nila ang batas na moral at espirituwal, maging tapat at nagsasaya ng katamtaman lamang, ay papasok na sila sa moksha (state of heavenly bliss). Para naman sa mga Buddhist, hangad nilang makapasok sa nirvana. Isa pang mahalagang pagkakaiba, ang Budismo ay aktibong naghihikayat ng mga kasapi habang ang Hinduism ay hindi.

Reinkarnasyon o Punah janama ang sentro ng Hinduismo. Naniniwala ito na ang imortal na Atma (kaluluwa) ay hindi nasisira o nalilikha. Kapag namatay, “ang kaluluwa ay umaalis sa lumang katawan at pumapasok sa bagong katawan, at magaganap ang bagong pagsilang.” Magre-reincarnate ang tao upang maparusahan o magantinpalaan o upang matapos ang hindi niya natapos sa nakaraang buhay. Sa Hinduismo, Maya (attachment) ang naglalapit sa mga tao sa Samsara. Makalalaya lamang sa Maya kung mawawala ang kamangmangan.

Si Lord Krishna sa Gita (Mga Banal na Kasulatan), ay may sinabi tungkol kina Purushottama at Sri Rama­krisha. Kapag malaya raw ang tao sa makamundong pagnanasa, makakamit na niya ang Moksha (kalayaan) sa kamatayan. Ano yon, bawal ang sex? E ‘pag matanda ka na, naiisip mo pa bang makipag-sex? May iba pa bang makamundong pagnanasa liban sa sex?

Sa mitolohiya ng Hindu, isinusumpa ng isang rishi (santo), Deva (Diyos) o Avatar (demigod) ang isang tao o Rakshash (demonyo) na paulit-ulit na mag-reincarnate upang maituwid ang kanilang pagkakamali. Gosh, ang demonyo, puwede palang magsisi at maging tao in the future. Kung pati Hindu at Buddhist ay naniniwalang may demonyo at anghel, malamang, mayroon nga. Kung sabagay, pinaniniwalaan ng mga researcher na ang nawawalang tala ng buhay ni Jesus Christ, mula noong iprisinta siya sa templo edad 12-anyos, hanggang maging 30-anyos siya, ay ginugol niya sa pag-aaral sa mga monghe sa Tibet. Doon daw natutuhan ni Kristo ang lahat ng salamangkang ipinakita niya sa mga Romano. Ngunit walang nakapagpatunay nito.

Iba naman ang konsepto ng reincarnation sa Budismo. Binibigyang diin nila ang cycle ng buhay ngunit hindi sila naniniwalang imortal ang kaluluwa. Ang Rebirth ay isang bahagi ng Nir-vana (espirituwal na paggising) na matatamo sa ilalim ng punong Bodhi sa hilagang India, kung saan daw madalas mag-meditate si Buddha.

Upang makamit ang espirituwal na paggising, dapat maranasan ng isang tao ang buhay sa mundo. Ayon sa mga Buddhist, upang makamit ang Nirvana, kailangang iwan ng tao ang lahat ng mahal niya sa mundo, materyal man o espiritwal, o kahit pa alagang hayop. Maaabot lamang ang Nirvana kapag kaya na niyang iwan ang lahat ng mga makamundong kaligayahan. Ano na naman ba ang makamundong kaligayahang binabanggit dito? Pera? Alahas? Pagkain? Asawa? Anak? Ang hirap naman! Kapag nagawa ‘yon, makararamdam ang puso ng tao ng Parama shanti (ganap na kaligayahan). Paano kaya ‘yon, e maiiwan mo nga ang mga mahal mo sa buhay!

Hindi naniniwala ang Buddhism sa rewards & punishments ng past life, o maililigtas ka ng Bhakti Marg (debosyon sa Diyos, Gyana Marg o karunungan, at Karma o mga pagkilos). Naniniwala sila na ang ating katawan at isipan ay binubuo ng enerhiya at mga molekula, na hindi napapagod.

“Para sa mga Hindu, ang relihiyon ay isang paraan ng pagpapalaya sa kaluluwa mula sa mga ilusyon, pagkabigo, at pagkakamaling nangyayari sa araw-araw,” (World History Patterns of Interaction, 2005) habang ang Budismo ay naniniwala sa pagpapalaya sa katawan mula sa mga pagnanasa. Tunay na magkatulad at nagkakaiba, ngunit nakaaapekto sa maraming buhay, na humahantong sa isang mas mahusay na buhay sa mga tao. Lahat ng relihiyon ay mabuti, pero sino ang nakaaalam kung alin ang tama? Gayunman, kailangan ito ng tao upang mabuhay sa magulong mundo. At natapos ang ating artikulo ngunit nananatiling walang sagot sa katanungan. Totoo ba ang reincarnation? Bahala na kayo!

Comments are closed.