TINIYAK ng Department of Health (DOH) na magpapadala sila ng reinforcement team sa Region II upang tumulong sa mga health workers doon sa pagtugon sa pangangailangan ng mga residenteng apektado ng malawakang pagbaha dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses.
Ayon kay DOH Undersecretary Myrna Cabotaje, humingi ng tulong ang mga naturang health workers mula sa DOH dahil pagod na umano ang mga ito, dahil na rin nang magkakasunod na bagyong nakaapekto sa rehiyon.
“Ang Region II, nagpa-SOS na. Kasi kumo-quota na tayo sa bagyo. Sunod-sunod ang bagyo. Napapagod na rin ang ating mga health workers kasi may mga nagre-reinforce,” pahayag pa ni Cabotaje sa panayam sa radyo at telebisyon.
“So magpapadala kami bukas ng augmentation health team galing sa iba’t ibang health teams ng ating mga region,” aniya pa.
Sinabi rin ng opisyal na humingi na ng tulong ang DOH mula sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) at World Health Organization (WHO) para sa iba’t ibang health-related concerns, gaya ng medical consultations at psychosocial briefing, pagtsi-check ng water cleanliness at sanitation.
Kaugnay nito, pinaalalahanan rin ni Cabotaje ang mga residente na nananatili pa rin sa mga evacuation centers, na manatiling inoobserbahan ang ipinaiiral na minimum health standards ng pamahalaan upang maiwasan ang posibleng hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Mahirap talaga ‘yung distansiya kapag nagkumpol-kumpol. Hangga’t maaari sana magkakahiwalay,” aniya. “Kung hindi naman, ang gagawin na lang, ‘yung mga pami-pamilya, sila-sila ang magkakalapit. Sa mga susunod na pamilya, sila ang [magkakasama]. Huwag masyado ‘yung movement na tinatawag.”
Tiniyak naman ni Cabotaje na wala pa naman silang natatanggap na ulat ng COVID-19 infection sa mga evacuation centers.
Sa kabilang dako, binalaan din niya ang mga residente sa mga binahang lugar laban sa leptospirosis, na maaaring makuha sa paglusong sa baha, na kontaminado ng ihi ng daga.
Paniniguro pa niya, mayroon silang sapat na gamot upang lunasan ang leptospirosis. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.