IPINAGMALAKI ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na nasolusyunan ang halos kalahati sa 166 na reklamong natanggap mula sa mga aplikante.
Kahit hindi pa naaprubahan ang implementing rules and regulations (IRR) sa Republic Act 11032 o “an act promoting ease of doing business and efficient delivery of government services” na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong May 2018.
Sa ginanap na press briefing sa Malakanyang, sinabi ni ARTA Officer-in-Charge Deputy Director General Ernesto Perez na nasa 52 porsiyento sa mga reklamo ang kanilang naresolba na sa loob lamang ng halos dalawang buwan.
Aniya, karamihan sa mga reklamong natatanggap ay tungkol sa SSS benefits, birth certificates, business permits at license to operate habang ang iba ay may kinalaman sa regulation of policies at request na ma-exempt sa standard processing.
Paalala ni Perez sa mga kawani ng gobyerno, tiyaking maayos ang serbisyo at hindi dapat ma-delay ang pagbibigay ng mga ap-likasyon.
Sa ilalim ng bagong batas, tatlo hanggang pitong araw lamang ang standard processing time sa mga papeles sa gobyerno.
Idinagdag pa nito, anim na buwang suspensiyon ang parusa sa first offense; para sa second offense ay dismissal from service ang parusa, forfeiture of benefits, perpetual disqualification at kulong na isa hanggang anim na taon na may multang P500,000 hanggang P2 milyon.