REKLAMO VS RICE TARIFFICATION LAW, SISILIPIN NG KAMARA

speaker gloria arroyo.jpg

BUBUO ang Kamara ng oversight committee  para silipin ang mga reklamo laban sa Rice Tariffication Law.

Ito ang inihayag ni House Speaker Gloria Arroyo kasunod na rin ng pagsasabatas sa Rice Tariffication kung saan tatanggalin na ang limit sa pag-aangkat ng bigas.

Ayon kay Arroyo, kakausapin niya sa susunod na linggo si House Committee on Agriculture and Food Chairman Jose Panganiban, na siya ring chairman ng oversight committee, para naman sa free irrigation.

Aatasan ng Speaker si Panganiban na magsagawa ng oversight hearing para silipin ang reklamo sa batas bago pa man ito ganap na ipatupad.

Sa ngayon ay kaliwa’t kanan na ang pagtuligsa sa Rice Tariffication Law kung saan ito umano ang ikababagsak ng mga magsasaka sa bansa.

Samantala, pinulong ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang mga regional director sa buong bansa upang talakayin ang maayos na pagpapatupad at gagawing estratehiya sa ilalim ng Rice Tariffication Law.

Ayon kay Piñol, kasama sa pulong kahapon ang mga rice program coordinator ng DA, mga opisyal ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), DA-Biotechnology Program Office (DA-BPO) at iba pa.

Ipinaliwanag ni Piñol na pangunahing pakay sa pulong ang kung papaano mapoproteksiyunan ang mga magsasaka sa inaasahang pagbuhos ng mga murang imported rice matapos na tanggalin sa bagong batas ang import limits.

Aminado ang DA chief na kailangang palakasin pa ang suporta sa hanay ng magsasaka na ngayon pa lamang ay kabado na sa naturang kontrobersiyal na batas.

Sinabi pa ni Piñol na ilan sa naisip nilang dagdag tulong sa mga magsasaka ay ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na pababain ang presyo ng fertilizers, pagkakaroon ng pre-seed program at pagbibigay ng post-harvest at irrigation facilities.

Inanunsiyo rin ni Piñol ang P100 milyong pondo na inilaan para sa magaan na pautang sa mga magsasaka, gayundin ang tulong sa solar power system.

“You have to understand na itong papasok na bigas ay ‘yong mga murang bigas. Karamihan nito hindi ko naman sinisiraan ang imported na bigas, minsan ay matigas, minsan ay may bukbok, may amoy, so, ang inaasahan natin, while this program, liberalization will result in the entry of the cheap imported rice, maaaring ‘yong maseselang mga Filipino, maski kapiranggot ang pera niyan gusto niya ‘di bale na walang ulam basta maba­ngo ‘yong kanin at malambot,” paliwanag ni Piñol.  CONDE BATAC, BENEDICT ABAYGAR

Comments are closed.