INIHAYAG ni Metro Manila Council (MMC) chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na mag-iisyu sila ng resolusyon na nagrerekomenda ng pagtatanggal ng mandatoryong pagsusuot ng face shield sa National Capital Region (NCR).
Sa text message na ipinadala ni Olivarez ay sinabi ng alkalde na ang MMC resolution sa lifting ng paggamit ng face shield ay ilalabas anumang oras ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Sa kanya namang nasasakupang lugar na Parañaque ay kanya na ring aalisin ang mandatoryong pagsusuot ng face shield sa lungsod sa pamamagitan ng isang executive order.
Nauna rito ay inianunsiyo ni MMDA Chairman Benhur Abalos na sa pagpupulong ng MMC, ang 17 Metro Manila mayors ay napagkaisahan na tanggalin na ang mandatoryong pagsusuot ng face shield maliban na lamang sa mga ospital, health centers, at mga sasakyang pampubliko.
Idinagdag pa ni Abalos na sinusuportahan ng MMC ang proposal ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año para sa hindi mandatoryong pagsusuot ng face shield.
Sa Maynila ay nauna nang pumirma ng isang executive order si Manila Mayor Isko Moreno na ang pagsusuot ng face shield ay ginawa na lamang opsyonal. MARIVIC FERNANDEZ