SINISIMULAN nang iproseso ng Bureau of Corrections (BuCor) ang release order ng Amerikanong sundalong si Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton matapos na mapagkalooban ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay makaraang kumpirmahin ni BuCor Director General Gerald Bantag na hawak na nila ang certified true copy ng absolute pardon na iginawad kay Pemberton na mula sa Department of Justice (DOJ).
Nakikipag-ugnayan na din ang BuCor sa mga ahensiya na may kinalaman sa pagproseso ng pagpapalaya kay Pemberton.
Gayunpaman, kailangan sumunod ang sundalo sa protocols mula sa health services gaya ng swab test kaugnay sa umiiral na COVID-19 pandemics.
Ayon pa sa opisyal, inuumpisahan na nila ang internal process para sa release order ni Pemberton kabilang ang paghahanda sa memorandum to release, verification kung mayroon pa itong nakabinbing mga kaso at ang pagkuha ng biometrics at photograph. VERLIN RUIZ
Comments are closed.