BAGO matapos ang buwang ito ay inaasahang idi-display na ng Simbahang Katoliko sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila ang cuff relic ni St. Paul VI upang masilayan ng mga mananampalataya.
Ayon sa Manila Cathedral, ang kauna-unahang public veneration sa cuff relic mula sa damit ng santo, ay isasagawa sa Hunyo 29.
“The Manila Cathedral was given a very precious and rare relic by the Vatican – a cuff from a shirt he wore. The said relic will have its first public veneration on June 29, 2019, Solemnity of Sts. Peter and Paul and Pope’s Day celebration,” anunsiyo pa nito, sa kanilang Facebook account.
Nabatid na ang naturang relic ay dinala sa cathedral noong Nobyembre 2018 matapos na magpadala ng liham ang Manila Cathe-dral sa Vatican noong 2017 na humihiling na mapagkalooban sila ng relics mula sa tatlong mahalagang saint-popes, na konektado sa cathedral.
Kabilang dito sina John XXIII, na siyang Santo Papa nang muling itayo at isagawa ang dedikasyon sa cathedral noong 1958; Paul VI, na nagdiwang ng banal na misa sa cathedral noong 1970; at John Paul II, na nagdiwang rin ng banal na misa sa cathedral nang bumisita sa Filipinas noong 1981 at siyang nagdeklara dito bilang minor basilica.
Una naman nang idinaos ang public veneration sa ‘ex ossibus’ relic ni St. John XXIII at blood relic naman ni St. John Paul II. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.