RELIEF GOODS LIBRE NA SA PAGBIYAHE

Relief Goods-3

GANAP nang inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagtatakda na gawing libre sa pagbabayad ng freight charges ang pagpapadala o pagbiyahe ng relief goods.

Sa botong 171 ang pabor kung saan wala namang tumutol at nag-abstain, lumusot sa plenaryo ng Kamara ang House Bill no. 9087 o ang ‘Relief Goods Free Transportation Act’.

Ayon kay Rep. Florida Robes (Lone District, San Jose del Monte City), pangunahing may-akda ng naturang panukalang batas, kapag may naganap na ‘natural and human-induced disasters’, nagdudulot ito ng kapinsalaan at masamang epekto sa pamumuhay ng mga tao.

“As humans can only last few days without food and water, relief operations are important. In this case, response mechanisms and guidelines must be geared towards saving lives in the immediate aftermath of any disaster,” sabi pa niya.

Giit ng San Jose del Monte City lady lawmaker, kailangang  magkaroon ng kaukulang pamamahala sa relief goods, kabilang ang pagkokolekta sa mga ito at pagpapadala para agad na maipamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.

Kaya naman ang pagbibiyahe ng relief goods ang nakikita ni Robes na siyang krusyal para masiguro na ang kinakailangang tulong ay matatanggap agad ng calamity victims.

Dahil sa kakulangan ng resources ng pamahalaan, maging ang mga pribadong kompanya o institusyon ay nagagamit sa transportasyon ng relief goods subalit ito ay may kaakibat na bayarin.

Bunsod nito, iminungkahi ni Robes na magkaroon ng koordinasyon ang Office of the Civil Defense (OCD), Philippine Postal Corporation (PPC) at lahat ng freight companies, common carriers, private carriers, freight forwarders, at iba pang  logistic services company providers upang maging libre na ang paniningil ng ‘freight services’ sa registered relief organizations, na magpapadala o magdo-donate ng emergency relief goods at iba pang mga kagamitan para sa mga lugar sa bansa na idineklarang nasa state of calamity.

Ang Law and Order Cluster naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay inaatasan na magkaloob ng se-curity at traffic management assistance para matiyak ang mabilis at ligtas na pagbibiyahe hindi lamang ng ‘donated relief goods and articles’ kundi mag-ing sa mga itinalagang personnel.

Sinabi ni Robes na kung hindi makakayang mai-deliver sa mismong ‘ground zero’ ang donasyong tulong, ito ay maaaring ipatanggap muna sa local government na nakasasakop sa lugar.

Samantala, ang Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng Civil Aeronautics Board (CAB), Maritime Industry Authority (MARI-NA) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang magpapatupad ng nilalaman ng HB 9087 kapag ito ay tuluyang naging batas.

Pangunahin na rito ang pag-monitor at masigurong sinusunod ng freight service companies, common and private carriers at iba pang nasa logistic services ang paglilibre sa bayarin ng transportasyon ng ‘relief goods and items’. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.