PORMAL na isinagawa ang turn-over of office ceremony sa pagitan ni outgoing Regional Director ng PRO4A P/ Brig. Gen. Vicente D. Danao Jr. at incoming Regional Director PRO4A P/Brig. Gen. Felipe R. Natividad na ginanap sa Multi-Purpose Center sa Camp B/Gen. Vicente P. Lim sa Calamba City, Laguna kahapon ng umaga.
Naging panauhin pandangal at presiding officer si PNP Chief Police General Debold M. Sinas na tumayong presentor ng awards at memento kay outgoing Regional Director P/Brig. Gen. Danao Jr.
Samantala, naging madamdamin ang pagbabasa ng termination at designation orders na pinangunahan ni P/ Brig. Gen. Rolando J. Hinanay, acting Director for Personnel and Records Management.
Si Hinanay ay dating chief ng PNP Crime Laboratory Group sa Camp Crame noong panahon ni dating PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa.
Magkasunod na binasa at nilagdaan nina P/ Brig. Gen. Danao Jr. at P/ Brig. Gen. Natividad ang relinquishment of office and assumption of office sa harap ng mga opisyal ng pulisya sa PRO 4A at NCRPO.
Si Danao na kabilang sa PMA Class of 1991 ay itinalagang police director ng NCRPO kung saan naging Davao City police chief noong 2013 hanggang 2016 bago itinalagang hepe ng Manila Police District noong 2018.
Samantala, si Natividad naman na kabilang sa PMA Class of 1990 ay naging hepe ng Bohol Police Force noong nagsimula ang campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa illegal drugs noong 2016.
Naging Special Police Assistant (SPA) din ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano si Natividad na nakatakdang magretiro sa 2023. MHAR BASCO
Comments are closed.