SA tuwing kakain o mag-iisip tayo ng kakainin, laging gusto natin ang masarap. Kakain na nga lang naman tayo, bakit hindi pa natin sarapan. Kumbaga, piliin na natin iyong gusto nating lasa nang maligayahan tayo. Nang mabusog.
Pero hindi naman porke’t masarap na pagkain ang nasa ating isipan o hinahanap-hanap ay nakasasama na ito sa kalusugan. May mga pagkaing masarap na healthy o hindi ka matatakot na lantakan. Halimbawa na lang ang relyenong bangus. Kumpara nga naman sa karne, mas mainam itong piliin. Saka marami rin sa atin ang mahilig talaga sa isda. Kahit na araw-arawin ang pagkain ng isda, okay na okay lang sa kanila.
Pero siyempre, nakasasawa rin kung iisang luto lang ng isda ang gagawin natin. Halimbawa na lang ay kung puro prito, pagsasawaan din natin ito.
Kaya’t bukod sa simpleng prito, swak na swak subukan ang relyenong bangus.
Kaya naman sa mga gustong subukan ang paggawa ng relyenong bangus, ang mga kakailanganin ay ang bangus o milkfish, sibuyas, bawang, carrots, raisins, kamatis, itlog, asin at paminta, bellpepper, kaunting flour, Worcestershire sauce, toyo, kalamansi at cooking oil.
PARAAN NG PAGLULUTO:
Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Matapos na maihanda ang mga kakailanganin ay hiwain na ang sibuyas, bell pepper, carrots, kamatis at bawang. Medyo pino ang pagkakahiwa ng mga nabanggit na sangkap.
Matapos hiwain ang mga ilalagay na toppings, isda naman ang susunod na pagtutuunan ng pansin. Kunin ang isda at linisin ito. Mas mapadadali rin ang paggawa ng relyenong bangus kung napatanggalan na ito ng tinik. Kaya kung hindi ka marunong magtanggal ng tinik o ayaw mong maabala, mainam kung patatanggalan agad ito sa pagbili sa palengke man o grocery.
Pero kung hindi naman nalinis ang bangus sa binilhan, linisin muna ito. Pagkatapos ay ihiwalay ang meat ng isda sa skin. May proseso ang paggawa nito. Maaaring gumamit ng knife at gamitin ang flat side nito sa paghihiwalay ng meat sa skin ng isda.
Kapag naihiwalay na ang skin sa meat ng bangus ay ibabad na ang skin at head sa toyo at kalamansi. Ilagay na muna sa isang tabi.
Pagkatapos, kunin naman ang meat ng isda, ilagay sa lutuan, lagyan ng kaunting tubig saka pakuluan.
Tanggalin ang mga tinik at paghiwa-hiwalayin ang fish meat. Pagkatapos ng prosesong ito, itabi na muna ang isda.
Magsalang ng kawali, lagyan ng mantika at saka i-saute ang bawang, sibuyas at kamatis. Ilagay na rin ang isda, carrots at bell pepper. Timpalahan ito ng asin, paminta at Worcestershire sauce. Panghuling ilagay ang raisin.
Kapag naluto na ang mixture, ilipat na ito sa isang lalagyan. Lagyan na rin ito ng itlog at kaunting flour. Kapag nahalo nang mabuti, ilagay na ang mixture sa bangus skin, balutin ito ng aluminum foil at prituhin.
Kapag naluto na, palamigin muna bago hiwain nang hindi madurog.
Ganoon lang kasimple at may relyenong bangus ka nang maihahanda sa iyong buong pamilya.
Isa ang relyenong bangus sa napakasarap lantakan sa handaan man o simpleng kainan. Sa bawat kagat mo nga naman ay malalasahan ang mga iba’t ibang sangkap nito. At sa sarap nito, tiyak na mapararami ang kain ng iyong buong pamilya. (photos mula sa yummy.ph, kawalingpinoy at primer.com). CS SALUD
Comments are closed.