(Ni CT SARIGUMBA)
PAGDATING sa kainan, isa ang relyenong bangus sa hindi natin puwedeng palampasin sa lamesa. Sa mga mahihilig dito, ito kaagad ang inuunang kainin. Sobrang sarap nga naman nito. Medyo may kahira-pan nga lang itong gawin. Pero kung may tiyaga ka naman, tiyak na maluluto mo ang putaheng ito, hin-di lamang kapag may handaan sa inyong tahanan kundi kahit na walang okasyon.
Hindi lamang iisang klase ang paggawa ng relyenong bangus, marami iyan. Depende kung ano ang style mo sa pagluluto. May mga ilan kasi na iba-iba ang ingredients na inilalagay.
Gayunpaman, paano mo man niluluto ang relyenong bangus, ano man ang mga sangkap niyan, hindi pa rin natin maitatangging napakasarap nito. At kapag natikman natin ito, hahanap-hanapin na natin.
Isa sa mahirap gawin kapag nagluto ka ng relyenong bangus ay ang pagtatanggal ng tinik. Hindi ito madali. Sa mga grocery at supermarket, bibihira lang ang nagtatanggal ng tinik ng bangus. Kadalasan, ang magagaling magtanggal niyan ay ang mga tindero/tindera sa palengke.
Kaya naman, kung hindi ka marunong magtanggal ng tinik ng bangus, sa palengke ka bumili at i-request mong tanggalan ng tinik. Sa pagkakaalam ko, may dalawang klase ng pagtatanggal ng tinik sa bangus. Iyong una, hihiwain muna sa gitna ang bangus saka tatanggalan. Mayroon namang iba na ihihiwalay ang laman sa balat. Kailangang buong-buo ang pagkakagawa niyon.
Kung titingnan natin, parehong mahirap gawin ang pagtatanggal ng tinik na iyon. ‘Yung una kasi, kailangan mo pang tahiin ang tiyan ng bangus matapos mo siyang lagyan ng palaman o toppings. Iyong ikalawa naman, dere-deretso na. Kapag nagawa mo na ang toppings, ilalagay mo na sa tiyan at saka puwede mo ng lutuin.
Ang mahirap lang sa pangalawa ay paghihiwalay ng laman sa balat. Kailangang bihasa ka kapag ginawa mo ito para hindi masira ang balat. Kapag nabutas na kasi ang balat, sira na ang magiging look ng relyenong bangus. Pero sa sarap, wala naman itong kaibahan.
PAGLULUTO NG RELYENONG BANGUS
Ang mga kakailanganin sa paggawa ng relyenong bangus ay ang bangus o milkfish, sibuyas, bawang, carrots, raisins, kamatis, itlog, asin at paminta, bellpepper, kaunting flour, Worcestershire sauce, toyo, kalamansi at cooking oil.
PARAAN NG PAGLULUTO:
Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Matapos na maihanda ang mga kakailanganin ay hi-wain na ang sibuyas, bell pepper, carrots, kamatis at bawang. Medyo pino ang pagkakahiwa ng mga nabanggit na sangkap.
Matapos na ilagay ang toppings, isda naman ang sunod na pagtuunan ng pansin. Kunin ang isda at linisin ito. Mas maganda at mapadadali ang proseso ng paggawa ng relyenong bangus kung ipalilinis na ang isda sa palengke o sa binilhan.
Pero kung hindi naman nalinis ang bangus sa binilhan, linisin muna ito. Pagkatapos ay ihiwalay ang meat ng isda sa skin. May proseso ang paggawa nito. Maaaring gumamit ng knife at gamitin ang flat side nito sa paghihiwalay ng meat sa skin ng isda.
I-marinate na ang skin at head ng isda sa toyo at kalamansi. Itabi munang panandali.
Pagkatapos ay pakuluan ang meat ng isda sa kaunting tubig. Tanggalin ang mga tinik at paghiwa-hiwalayin ang fish meat. Pagkatapos ng prosesong ito, itabi na muna ang isda.
Magsalang ng kawali, lagyan ng mantika at saka i-saute ang bawang, sibuyas at kamatis. Ilagay na rin ang isda, carrots at bell pepper. Timpalahan ito ng asin, paminta at Worcestershire sauce. Panghuling ilagay ang raisin.
Kapag naluto na ang mixture, ilipat na ito sa isang lalagyan. Lagyan na rin ito ng itlog at kaunting flour. Kapag nahalo nang mabuti, ilagay na ang mixture sa bangus skin, balutin ito ng aluminum foil at prituhin.
Kapag naluto na, palamigin muna bago hiwain.
May kaakibat na hirap ang paggawa ng Relyenong Bangus pero kapag natikman naman ito ng mga ma-hal mo sa buhay, tiyak na mapapangiti sila sa sarap. At tiyak ding pupupugin ka nila ng halik sa tuwa.
Wala nga namang madaling bagay, kagaya ng pagluluto. Ngunit may kaakibat man itong hirap, paulit-ulit naman nating ginagawa.
Ang pagluluto kasi ay masasabi nating pagpaparamdam ng pag-ibig sa ating minamahal. Hindi simple ang magluto. Pero sa kabila ng hirap, hindi nawawala ang tuwa lalo na kapag nakita natin ang ngiti sa labi ng ating mahal sa buhay.
Comments are closed.