IKINATUWA ng mga Caviteño ang pagdating ng ilang political leaders na nagpakita ng suporta sa unang araw ng pangangampanya ni dating Cavite Governor Erineo ‘Ayong’ Maliksi sa Naic, Cavite kahapon.
Si Maliksi ay nagpasiyang tanggapin ang hamon na muling pumalaot sa politika dahil sa nakikita niyang pangangailangan ng isang lider na may puso sa paglilingkod at totoong nagmamahal sa bawat Caviteño.
Bukod dito ay nais ring iwaksi ni Maliksi ang hidwaang politikal na hindi, aniya, nakatutulong sa bayan, bagkus ay nagiging dahilan pa ng mas komplikadong kalagayan ng mga Caviteño.
Magkalaban sa politika at may kanya-kanyang kandidato na sinusuportahan sina dating Naic Mayor Edwina Mendoza at Efren Nazareno, ngunit nagkaisa sa pagbibigay ng kanilang suporta sa pagtakbo ni Maliksi sa pagka-gobernador.
Ayon sa dalawang political leaders, iba ang karisma ni Maliksi sa masang Caviteño, bukod sa pagiging soft spoken ay ramdam nila ang sinseridad ng pagkatao nito, at hind rin umano sila iniwan sa ere ni Maliksi kahit kailan.
Kahit pa dumating noon sa puntong nagkahiwalay ng landas sina Nazareno at Maliksi, nang lumipat sa kabilang bakod ang una, dahil sa personal na mga bagay na hindi umano naiwasan noon.
Ngunit ngayon ay tiniyak ni Nazareno na buong-buo ang kanyang pagsuporta sa kandidatura ni Maliksi at wala nang mangyayaring iwanan tulad noong una.
Lumutang din sa okasyon si former Trece Martires City Mayor Melencio “Jun” De Sagun, na kilalang kaalyado ng mga Remulla noon, ngunit nga-yon ay buong suporta na rin ang ibinigay kay Maliksi.
Si Sagun ay tumatakbo ngayong mayor ng Trece Martires City, posisyon na kasalukuyang inuupuan ng kanyang anak na si Melan De Sagun.
Very vocal din si Sagun sa pagbira sa kampo ng mga Remulla nitong mga nakalipas na araw, at kung gaano siya ka-vocal sa pagbira ay ganoon din ka-vocal sa pagpapahayag ng kanyang suporta kay Maliksi.
Ilang political leaders pa rin umano sa Cavite na kilalang kaalyado ng kampo ni Remulla ang nagpahayag na ng suporta kay Maliksi, ngunit hindi pa nila maaaring pangalanan sa kaagahan ng campaign period.
Comments are closed.