INALMAHAN ng pamunuan ng Remate News Central ang pagbabanta ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na posibleng maharap sa contempt of court ang Banateros Brothers na nag-interview kay dating Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag.
Ayon kay Remate Editor-in-Chief at National Press Club of the Philippines President Lydia Bueno, hindi laman ng naturang interview kay Bantag nina Banat By, Boss Dada at Coach Oli, ng REMATE Online, ang tungkol sa mga kasong kriminal na nakabinbin sa korte laban kay Bantag.
Sa halip, nakatuon umano ang naturang interview sa ilegal na droga, korupsyon, at kahinaan sa pamamahala sa BuCor.
Idinagdag pa nito na hindi rin dapat i-contempt ang mediamen na nagsasagawa lang ng interview bilang bahagi ng kanilang tungkulin.
Hindi rin umano dapat isabalikat sa mediamen ang panghuhuli sa sinomang tinutugis ng batas lalo’t kasaysayan nang halos 200 mamamahayag sa bansa ang pinatay ng mga armadong kanilang nauugnayan o pinupuna.
Kinikilala rin umano ng NPC at Remate ang mga hakbangin ng gobyerno para sa ikalulutas ng media killings, partikular na ang kaso ni Percy Lapid, subalit kailangan pa ring isaalang-alang ang kalayaan sa pamamahayag na naayon sa Saligang Batas.