INAPRUBAHAN ng Parañaque City Council ang isang ordinansa na nagpapalawig sa pagkuha ng renewal ng mayor’s permit ng mga negosyo sa lungsod para sa taxable year 2021.
Dahil dito, inatasan ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang hepe ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) na si Atty. Melanie Malaya na agad na ipatupad ang nasabing ordinansa na inaasahang pagdagsa ng mga nagre-renew ng kanilang mga business permit na kailangang sumunod sa health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ani Olivarez, para malimita ang bilang ng mga nagre-renew ng kani-kanilang business permit para sa taxable year 2021 kada araw ay ipatutupad ang scheduling at number coding scheme.
Ayon kay Malaya, ang mga negosyo na may updated accounts na walang accrued penalty at interest o surcharge ay maaaring mag-renew ng kanilang business registration simula Enero 2 hanggang 21 na may kumpirmadong scheduled appointment.
At para naman sa may mga negosyo na updated ang accounts ngunit hindi nakapag-renew sa takdang panahon at sa mga may negosyo na may business identification number (BIN) na nagtatapos sa 1 at 2 ay kinakailangan na mag-renew ng kanilang business permit na may kaukulang buwis, fees at charges ay magbayad mula Enero 25 hanggang Enero 31 lamang.
Ang mga may negosyo na may BIN na nagtatapos sa 3 at 4 ay maaaring mag-renew sa Pebrero 1 hanggang 7 habang sa mga may hawak ng BIN na nagtatapos sa 5 at 6 ay nakatalaga sa petsa Pebrero 8 hanggang 14.
Sa mga BIN na nagtatapos sa 7 at 8 ay sa Pebrero 15 hanggang 21 at ang mga nagtatapos naman sa 9 at 0 na mga BIN ay nakatalagang mag-renew sa Pebrero 22 hanggang 28.
Gayundin, ang mga hindi makapagre-renew ng business permit sa itinakdang araw ay papatawan na ng interest, penalties at surcharges. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.