RENT-TANGAY QUEEN MULING NAARESTO NG PNP-HPG

PNP-HPG

LAGUNA-MULING nadakip ng mga operatiba ng Philippine National Police-Highway Patrol Group ang tinuturing na reyna o mastermind ng kontrobersiyal na car rental scam na tinaguriang “rent-tangay” or “rent-sangla”  sa kasong estafa.

Ayon sa PNP-HPG, nasakote nilang muli ang rent-tangay queen na si Rafaela Anunciacion sa San Pedro, Laguna na una nang nadakip noong 2017 subalit nakapagpiyansa sa kasong estafa.

Ayon sa mga awtoridad si  Anunciacion ay dinakip sa hiwalay na kaso ng estafa noong 2017 subalit nakapaglagak ng bail.

Nanawagan ang PNP –HPG sa lahat ng mga na­ging biktima na magsama- sama para maghain ng kasong syndicated estafa upang hindi na ito makapaglagak pa ng piyansa.

Nakahanda naman umano ang suspek na harapin ang mga reklamong inihain laban sa kanya.

“Nandito ako para harapin ang lahat ng allegation sa akin,” ani Anunciacion.

Nabatid na inerekomenda na ng Department of Justice (DOJ) ang syndicated estafa charges laban kay Anunciacion dahil sa ginawa niyang panghihikayat sa mga biktima na mag-invest sa  fictitious car rental business.

Bukod kay Anunciacion, sinampahan din ng DOJ ng syndicated estafa sina Marilou Cruz, Edgardo Ramos, Alfredo Ronquillo, Eliseo Cortez, Anastacia Cauyan, Sabina Torrea, at Leonardo Torrea.

Unang nang nag-isyu ng immigration lookout bulletin (ILB) laban sa mga  suspek ng rent-tangay scam.         VERLIN RUIZ

Comments are closed.